MAY napansin ang isang miron.
Kung sa mga nagdaang eleksyon ay buo na ang tiket bago pa ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga kandidato, para sa 2019 elections ay parang kanya-kanya ang mga kandidato.
Parang na-miss ng miron ang tagpo kung saan haharap ng sama-sama sa media ang 12 kandidato sa pagkasenador ng isang grupo o nagsama-samang grupo.
Iniisip tuloy ng miron ay kanya-kanya ang magiging pangangampanya ng mga kandidato sa pagkasenador. Hindi katulad dati na madalas ay magkakasama.
Pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagtataas ng pamasahe sa jeepney at bus.
Sa Nobyembre ay inaasahang mararamdaman na ito ng mga pasahero—kailangan pa kasing mailathala sa pahayagan ang Order ng LTFRB at dapat na kumuha ng bagong fare matrix ang mga jeepney at bus bago maipatupad ang bagong singil.
Kung naghihintay ang mga jeepney at bus na maipatupad ang bagong singil mayroon namang mga UV Express na nagdagdag na ng singil kahit na wala pang Order ang LTFRB sa kanilang inihaing petisyon na magtaas ng singil.
Kung legalidad ang pagbabatayan, alam natin na hindi ito pwede. Dapat ay payagan muna ng LTFRB bago makapagdagdag ng singil ang mga driver ng UV Express.
Gaya ng mga jeepney at bus, lumaki rin ang gastos ng mga UV Express driver dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel—kahit pa bumaba ito muli kahapon, ang ikalawang sunod na linggo ng rollback.
Naiintindihan ng mga pasahero ang kalagayang ng mga UV Express driver pero dapat ay intindihin din ng driver ang kalagayan ng mga pasahero.
Kung gusto ng UV Express driver ng dagdag na kita, gusto rin ng dagdag na suweldo ng mga maliliit na empleyado na sumasakay sa kanila, para may mapagkuhanan ng dagdag na gastos sa pagtaas ng presyo ng bilihin at pamasahe.
Sabat naman ng isa pang miron, kung tataasan ang pasahe ng mga UV Express dapat ay hindi na sila mag-cutting trip.
Sa San Mateo at Rodriguez sa Rizal, daw halimbawa. Ang mga biyaheng Cubao ay hanggang sa istasyon ng LRT 2 sa Katipunan na lamang bumibiyahe. Yung iba ay hanggang sa Santolan station ng LRT 2 na lang. Hindi na tumutuloy ng Cubao kaya ang kawawang pasahero napipilitang sumakay ulit para makarating ng Cubao. Nadadagdagan ang kanyang pamasahe.
Sa pag-uwi, marami namang UV Express ang hindi na tumutuloy sa Rodriguez. Malimit ay hanggang sa plaza na lamang ng San Mateo.
Ang pagkaka-alam ko ginawa ang UV Express franchise para maging mabilis ang biyahe. Ang mga UV Express ay dapat na nagsasakay at nagbaba ng pasahero sa kanilang terminal lamang.
Pero ang ginagawa nila ngayon ay pulot ng pulot ng pasahero kung saan-saan kaya dumadagdag sila sa trapik. Ang ganitong klase ng biyahe ay para sa mga may prangkisa na FX taxi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.