Convoy ng FDA chief inambush ng NPA: 3 pulis patay, 3 sugatan
TATLONG pulis ang nasawi at tatlo pa ang nasugatan nang tambangan ng mga kasapi ng New People’s Army ang convoy ni Food and Drugs Administration (FDA) director general Nela Charade Puno sa Lupi, Camarines Sur, Huwebes ng umaga.
Nasawi sina SPO1 Percival Rafael, PO3 Carlito Navarroza, at PO1 Ralph Jason Vida, pawang mga miyembro ng Camarines Sur provincial police na itinalaga bilang escort ni Puno, ayon sa ulat ng Bicol regional police.
Sugatan sina PO1 Jonathan Perillo, PO1 Ruby Buena, at PO1 Rodolfo Gonzaga, pawang mga miyembro din ng provincial police.
Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Napolidan, dakong alas-9:10.
Pinaputukan ng aabot sa 20 rebelde ang PNP marked vehicle na escort ng sasakyang naghahatid kay Puno patungong Daet, ayon sa ulat.
Napag-alaman na dadalo sana si Puno sa isang programa tungkol sa pagpapalakas ng consumer awareness, sa isang hotel sa naturang bayan.
Rumesponde sa insidente ang mga miyembro ng Camarines Sur Provincial Mobile Force Company na naunang ipinakalat para bantayan ang ruta, at nakapalitan pa ng putok ang mga rebelde bago umatras aang mga ito.
Nagpakalat na ng iba pang pulis at mga sundalo para tugisin ang mga rebelde, habang inatasang magsagawa ng checkpoint ang mga alagad ng batas sa mga katabing bayan.
Dinala sina Perillo, Buena, at Gonzaga sa Bicol Medical Center sa Naga City para malunasan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.