Junjun Binay tinawag si Abby na desperado para hindi siya makatakbo sa 2019
TINAWAG ni dating Makati mayor Junjun Binay ang kanyang kapatid na si Makati City Mayor Abby Binay na desperado matapos ang pahayag na dapat niya munang ayusin ang mga kaso bago tumakbo sa eleksiyon sa 2019.
“It’s a sign of desperation. Wala naman akong dahilan para hindi tumakbo. Hindi pa final and executory ‘yung mga cases. In fact, ‘yung isa na-reverse na,” sabi ni Junjun.
Sinamahan ni Junjun Binay ang kanyang kapatid na si Sen. Nancy Binay, matapos maghain ang huli ng certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec) para tumakbo muli sa Senado.
“Hindi pa kami umaabot sa Supreme Court. Why would she say that? Parang ito na lang ‘yung way para manalo ang kapatid ko, na hindi ako tumakbo?” dagdag ni JunJun.
Sinabi ng kanyang abogado na si dating Comelec chair Sixto Brillantes na maaari pa ring makatakbo si Junjun Binay sa kabila ng mga kinakaharap na mga kaso ng siya ay mayor pa ng Makati.
“Hindi pa final, so walang ground for disqualification. Ganoon lang kadali ‘yun,” giit ni Brillantes.
Inamin naman ni Junjun Binay, na hinihintay pa nila ang kanilang mga magulang na sina dating Vice President Jejomar Binay at Elenita na makabalik sa bansa para maayos ang gusot sa pagitan nilang dalawa ni Abby Binay.
Nasa Italy ang kanilang mga magulang para sa isang pilgrimage at nakatakdang bumalik ngayong weekend.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.