Twice-to-beat nahablot ng Lyceum Pirates at San Beda Red Lions
Mga Laro Biyernes (Oct.12)
(Filoil Flying V Centre)
12 n.n. Perpetual Help vs Letran
2 p.m. Mapua vs San Sebastian
4 p.m. EAC vs JRU
NASUNGKIT ng Lyceum of the Philippines University Pirates at defending San Beda University Red Lions ang twice-to-beat incentive sa Final Four matapos itala ang kumbinsidong pagwawagi sa mga katunggali sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament Huwebes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Tinambakan ng Lyceum ang College of St. Benilde, 77-64, para tuluyang patalsikin ang Blazers sa labanan para sa Final Four.
Nagtala si CJ Perez ng 17 puntos, 10 rebound at apat na steal para pangunahan ang Pirates.
Nagdagdag naman si Mike Nzeusseu ng 13 puntos at walong rebound para sa Lyceum na umakyat sa 15-2 kartada.
Nahulog ang St. Benilde sa 8-8 karta para tuluyang maglaho ang tsansa nitong makapasok sa semifinals.
Nakinabang naman sa panalo ng Lyceum ang University of Perpetual Help Altas, na may 11-5 marka, dahil nakubra nila ang huling semis slot.
Nakapasok na rin sa Final Four ang kasalukuyang nasa ikatlong puwesto na Letran College Knights (12-4) matapos manaig kontra San Sebastian College Stags noong Martes.
Dinurog naman ng San Beda ang Arellano University Chiefs, 90-52, sa ikalawang laro.
Nagtala si Javee Mocon ng 24 puntos at 11 rebound habang si Robert Bolick ay nag-ambag ng 11 puntos, limang rebound at siyam na assist para pamunuan ang Red Lions na umangat sa 15-1 record.
Gumawa si Dariel Bayla ng 12 puntos at anim na rebound para mamuno sa Chiefs na nahulog sa 5-11 karta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.