WALANG dudang reyna ng women’s volleyball ang De La Salle hindi lang sa UAAP kundi maging sa mga komersyal na hatawan.
Ngunit hindi rin naman maitatangging tumitibay ang laro ng karibal na Ateneo Lady Eagles na sa kasalukuyan ay tila may kakaibang husay at galing sa ginaganap na Premier Volleyball League Open Conference na ginagamit ng mga pambato ng Katipunan bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa UAAP.
Sa ilalim ni coach Oliver Almadro na umukit ng kasaysayan bilang coach ng Blue Eagles sa UAAP ay tila nadagdagan ang lakas at husay ng Lady Eagles. Kung dati-rati ay bumibigay ang koponan tuwing gitgitan ang sagupaan ay ibang klaseng Ateneo ang napapanood ngayon sa PVL.
Kalmado at mahusay ang sistema ng Lady Eagles sa ilalim ni Almadro na malapit sa mga mamamahayag dahil sa kanyang estilo na handang magbigay ng mga totoong pahayag. Ika nga ay tulad si Almadro ni Tim Cone ng crowd-drawer Barangay Ginebra na palaging may oras upang kausapin ang media.
Pinalitan ni Almadro si Thai coach Tai Bundit na nagbigay din naman ng karangalan sa Ateneo sa simula ngunit tunay na malaking sagabal ang kawalan niya ng kasanayan sa pagsasalita ng wikang Pilipino upang makuha ng Lady Eagles ang tunay nilang potensyal.
Dadalhin ni Almadro ang kanyang karanasan bilang manlalaro at siyempre ang ‘‘winning feeling’’ sa Lady Eagles at huwag kayong magulat kung dagitin ng Ateneo ang La Salle sa UAAP volleyball sa season na ito.
Pinagsamang mga beterana (Bea de Leon, Maddie Madayag, Kat Tolentino, Kim Gequillana, Ponggay Gaston, Dani Ravena, Jules Samonte, Deanna Wong) at mga maaasahang baguhan na sina Jaja Maraguinot at Vanessa Gandler mula sa De La Salle-Zobe ang magtataguyod sa Ateneo.
Ngunit ito ang magandang balita sa Lady Eagles. Suportado sila ng Motolite na numero unong baterya ng mga sasakyan sa Pilipinas. Dahil numero uno ang Motolite ay hindi naman sigurong masamang isipin na isa lang ang hangad ng Lady Eagles—ang agawin ang korona sa karibal na DLSU.
Sa mga baguhan, hindi na bago ang pagpasok ng Motolite sa mundo ng isports sapagkat sa mga laban ng pambansang kamao at ngayo’y Senador na si Manny Pacquiao ay makikita ang Motolite sa kanyang shorts. Ang sabi nga ng marami, siguradong hindi mawawalan ng lakas si Pacquiao basta may Motolite na sumusuporta rin sa billiards at motorsports.
Sakto ang samahan ng Ateneo at Motolite. Ika nga ay ‘‘trusted na pangmatagalan’’ ang samahan ng Ateneo-Motolite.
PATOK ANG PTT
Tulad ng pangako, pinadala ng PTT Philippines ang mga nagwagi sa matagumpay nitong PTT Lubricants “Win a Trip to PTT Thailand Grand Prix 2018 Promo.” Mapalad na nakapanood ng PTT Thailand MotoGP 2018 sa Chang International Circuits sa Buriram, Thailand ang mga nagwagi kasama ang kanilang mga mahal sa buhay na mula sa Cavite, Laguna, Pampanga, Pasay at Cebu. Pinakamalaking oil at gas company ang PTT sa Thailand na siyang title sponsor ng unang Moto Grand Prix ng Thailand.
Dito sa Pilipinas ay hindi lang negosyo ang ginagawa ng PTT Philippines. Malaki na ang naitulong ng kompanya na patuloy ang paglago sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa pagtataguyod ng kalikasan. Matagumpay ang muling pag-arangkada ng patakbo ng PTT na nilahukan ng sangkaterbang mananakbo.
Marami ring mga proyekto ang PTT na naglalayong iangat ang antas ng buhay ng mga mahihirap na Pinoy.
Tunay na malaki ang papel ng respetadong PTT sa pagsulong ng ekonomiya na ang magiging resulta ay ang pag-unlad ng buhay ng mga mahihirap. Pangulo ng PTT Philippines at Chief Executive Officer si Sukanya Seriyothin. May mga negosyo rin ang PTT sa Cambodia, Myanmar, Indonesia, Malaysia at Brunei.
KOREK ANG GAB
DAHIL sa nais nitong pangalagaan ang kalusugan ni Manny Pacquiao ay nararapat lang ang nais ng Games and Amusement Board (GAB) sa ilalim ni Abraham “Baham” Mitra na magsumite si Pacquiao ng tinatawag na ‘‘cardio-clearance‘’ mula sa respetadog ospital bago muling sumabak sa labanan ang Senador. Hindi na bago ang paghingi ng GAB ng clearance sapagkat ginagawa ito ng mga boksingerong nais umakyat sa ring.
Matatandaang hinimok na ni Pangulong Duterte at Chavit Singson na tigilan na ni Pacquiao ang pagboboksing matapos mabunyag ang problema sa puso ng idolo. Lumabas ang balita tungkol sa kalusugan ni Pacquiao matapos ang kanyang laban kontra Lucas Matthysse ng Argentina noong Hulyo 15 sa Jakarta.
Nagwagi si Pacquiao at nag-retiro na si Matthysee na bago ang sapakan ay sinabing siya ang magpaparetiro sa pambansang kamao. Mukhang nais pang lumaban ni idol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.