Pinas nauwi ang unang ginto sa Asian Para Games
NAPANALUNAN ng Pilipinas ang gintong medalya sa Asian Para Games matapos manaig ang swimmer na si Ernie Gawilan sa men’s 200m individual medley (SM7 category) Linggo sa Gelora Bung Karno Aquatic Stadium sa Jakarta, Indonesia.
Ipinanganak na may kapansanan sa kanyang paa at mga binti , nagtala si Gawilan ng oras na 2:53.53 para talunin sina Chen Liang-Da ng Chinese Taipei (2:55.90) at Jadhav Suyash Narayan ng India (2:56.51).
“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon sa pagbibigay sa akin ng buhay at lakas para po irepresenta ang Pilipinas,” sabi ni Gawilan, na nagwagi ng tatlong tanso sa 2014 Incheon Asian Para Games.
Nag-uwi rin ang 27-anyos na tubong-Paquibato District, Davao City ng pilak sa S7-50m freestyle event.
Naorasan si Gawilan ng 32.16 seconds sa 50m freesytle S7 para sa silver sa likod ng gold medalist na si Wei Soong Toh ng China (29.85) habang nauwi ni Suyash Nara Jadjar ng India (32.56) ang bronze.
Ang ginto at pilak ni Gawilan ay naglagay naman sa 57-katao na Philippine delegation sa ika-5 puwesto sa 44 bansang kalahok.
Nauna namang nagbigay ng pilak na medalya para sa Pilipinas ang 45-anyos Achelle Guion ng Sipalay, Negros Occidental matapos na bumuhat ang Business Management graduate ng Trinity University of Asia ng kabuuang of 67 kilograms sa powerlifting event na ginanap sa Balai Sudirman Hall.
Naghatid naman ng tansong medalya ang swimmer na si Gary Bejino sa (S6) B-100m backstroke itinalang personal best time na 1:28.54.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.