Mocha Uson nanggagalaiti sa ulat na siya ay sinibak, iginiit na ito’y ‘fake news’
NANGGAGALAITI ang nagbitiw na si dating Communications Assistant Secretary Mocha Uson sa ulat na sinibak siya sa pwesto ni Pangulong Duterte, kasabay ng pagsasabing ito ay “fake news”.
“If you stand by your source, ilabas niyo kasi paninirang puri na ito. Paninirang puri na talaga ito,” sabi ni Uson sa isang panayam sa Senado.
“Ang tagal kong nagpigil pero mga p***ng-*n*ng ganyang paninira sa akin, huwag namang ganyun. Laban din tayo,” dagdag ni Uson.
Iginiit ni Uson na nagbitiw siya sa katungkulan.
Partikular na binanggit ni Uson ang pahayag ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go kaugnay ng kanyang pagbibitiw at ang pahayag ng Malacanang na tinanggap ng Pangulong Duterte ang kanyang pagbibitiw.
“Tapos biglang maglalabas ang Inquirer ng breaking news, according daw sa kanilang source, ako daw ay sinibak, pinatalsik ni Pangulong Duterte,” ayon pa kay Uson.
“Meron akong pruweba na hindi totoo ‘yun, kaya mag-ingat po sana tayo sa ibinabalita natin at nakakagalit po yan…” giit ni Uson.
Nang tanungin kung may katibayan siya, sinabi ni Uson na: “Ang dami, andyan na e. Andyan na. Resignation lahat. Pag uusap namin ni Sir Bong.”
“In fact, galit na galit si Sir Bong dahil dyan sa inilabas na paninira, fake news na walang katotohanan,” ayon pa kay Uson.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.