Golden Canedo ng Cebu itinanghal na ‘The Clash’ Ultimate Champion
ANG Golden Voice ng Cebu na si Golden Canedo ang tinanghal na kauna-unahang The Clash Ultimate Champion sa ginanap na final showdown last Sunday sa GMA.
Tinalo ni Golden ang apat pang grand finalists na sumabak sa ultimate battle ng nasabing reality singing search, sina Mirriam Manalo, Garrett Bolden, Jong Madaliday at Josh Adornado. Sina Golden at Jong ang naglaban sa huling face-off.
Bukod sa P1 million cash prize, wagi rin si Golden ng exclusive contract with GMA 7, isang brand new car, at house and lot mula sa Bria Homes. Sa panayam ng ilang members ng entertainment media kay Golden pagkatapos ng final battle, sinabi ng dalaga na handa na siyang sumabal sa mas matitinding hamon bilang singer.
Gagawin daw niya ang lahat ng kanyang makakaya para mapatunayan na hindi nagkamali ang The Clash judges na naniwala sa kanyang talent at sa lahat ng mga taong sumuporta sa kanya.
Binigyan naman ng special award si Esterlina Olmedo bilang Most Loved Clasher dahil sa pagiging crowd favorite sa social media at sa kanilang mga mall shows.
Nagkaroon din ng bonggang production numbers ang Final 6 kasama ang iba pang natanggal na clashers kabilang na sina Melbelline Caluag, Mika Gorospe, Danielle Ozaraga, Lyra Micolob, Esterlina Olmedo at Kyryll Ugdiman.
Sa pagtatapos ng unang season ng The Clash last Sunday, in-announce ng Clash Master na si Regine Velasquez na winner na lahat ang Top 6 dahil lahat sila ay pasok na sa bagong variety program ng GMA na Studio 7, na mapapanood na ngayong Oktubre. Ito ang papalit sa timeslot ng The Clash tuwing Linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.