Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
4 p.m. Mapua vs Lyceum
6 p.m. JRU vs Letran
Team Standings: Letran (2-0); Perpetual Help (2-0); San Beda
(2-1); Jose Rizal University (1-1); Lyceum (1-1); Mapua (1-1); San Sebastian (1-2); Arellano University (1-2); Emilio Aguinaldo College (1-2); St. Benilde (0-2)
IKATLONG sunod na panalo ang sisikaping tuhugin ngayon ng Letran Knights sa pagpapatuloy ng 89th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Katunggali ng Knights ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa huling laro na magsisimula matapos ang tagisan ng Mapua Cardinals at Lyceum Pirates sa ganap na alas-4 ng hapon.
Inspirado ang Cardinals matapos kunin ang unang panalo sa kahanga-hangang 104-99 double overtime panalo sa San Sebastian Stags para maitabla ang karta sa 1-1.
Sina Joseph Eriobu at Kenneth Ighalo ang mga mangunguna uli para sa bataan ni Mapua coach Fortunato “Atoy” Co pero asahan din ang tulong ng iba pang manlalaro tulad na naipakita ng Cardinals sa huling laro.
Handa namang tapatan ng Pirates ang init ng paglalaro ng Cardinals para makabawi sa 60-68 pagyukod sa Arellano Chiefs tungo sa 1-1 karta.
May dalawang dikit na panalo ang Knights na naiposte laban sa San Sebastian (74-69) at Emilio Aguinaldo College Generals (79-74) upang makasalo sa liderato ang University of Perpetual Help Altas.
Humuhugot ng magandang laro si Letran coach Caloy Garcia kay 6-foot-7 center Raymund Almazan matapos maghatid ito ng 15 puntos at 18.5 rebounds bukod pa sa 4 blocks sa naunang dalawang laro.
Pero maliban kay Almazan, nagbibigay din ng solidong numero ang ibang Knights tulad nina Mark Cruz at rookie Rey Nambatac.
Kailangang manatili ang tikas ng mga ito dahil bubuhos ang Heavy Bombers para makabalik sa pagpapanalo.
Galing ang tropa ni JRU coach Vergel Meneses mula sa 70-78 pagyukod sa kamay ng Altas sa huling laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.