Adamson Soaring Falcons solo lider pa rin sa UAAP
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
1 p.m. UP vs FEU
4 p.m. UE vs DLSUNAGPAKATATAG pa ang Adamson University Soaring Falcons sa pagkapit sa liderato matapos nitong idagdag sa biktima ang University of Santo Tomas Tigers sa pagdagit sa 79-71 panalo Sabado ng hapon sa ginaganap na UAAP Season 81 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Ipinamalas muli ng Falcons ang matinding depensa para makapagtala ng 28 puntos sa pagtulak ng 27 turnovers sa nawalan ng bangis na Tigers upang ilista ang malinis na tatlong panalo at pagkapit sa solong liderato na matagal na panahon nitong hindi nahahawakan sapul na sumali sa liga.
Nakalamang ng 10 sa first half ang Falcons dahil sa errors ng kalaban.
Nagtala si Jerrick Ahanmisi ng 20 puntos habang nagdagdag si Vince Magbuhos ng 15 puntos at apat na steal para sa nagpapakitang gilas na Falcons.
“My bench players proved that they are capable of stepping up,” sabi ni Adamson head coach Franz Pumaren.
Nagtala rin para sa Adamson sina Jonathan Espeleta at Simon Camacho ng 12 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasunod.
Huling dumikit ang Growling Tigers, 60-61, sa kaagahan ng fourth period subalit hindi nasira ang diskarte nina Ahanmisi at Kristian Bernardo na nagtulong upang isalpak ang pitong sunod na puntos upang agad na ilayo ang Falcons sa 68-60 abante.
Sa ikalawang laro, nagpamalas ng matinding depensa ang Ateneo de Manila University Blue Eagles para durugin ang National University Bulldogs, 72-46.
Dumepensa agad sa pagsisimula pa lamang ng laro ang Blue Eagles upang mapigilan ang Bulldogs at umangat sa 2-1 kartada.
Kumana si Thirdy Ravena ng 13 puntos, apat na rebound at tatlong steal para pamunuan ang Ateneo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.