IPAGPAPATULOY ang state of emergency sa Maguindanao hangga’t di tumitigil ang looting at ibang kriminalidad sa Muslim province, sabi ng Malakanyang.
Ang pag-ransack ng mga opisina sa provincial capitol at sa opisina ng Commission on Elections (Comelec) ang ibinigay na halimbawa ng Palasyo kung bakit patuloy na ipaiiral ang state of emergency sa Maguindanao.
Walang maglalakas ng loob na gagawa niyan kundi ang mga gumaguwardiya ng mga opisinang nabanggit.
Mga Army at pulis lang ang nagbabantay sa mga government offices sa Maguindanao, at maging sa mga mansion ng mga Ampatuan.
Napabalita na ninakaw ng mga Army troops ang P400 million sa vault ng mansion ng mga Ampatuan.
Nakuha ko ang balita sa aking mga sources sa Philippine National Police (PNP).
Hanggang ngayon ay walang kibo ang Armed Forces at Malakanyang tungkol sa balitang pagnanakaw ng P400 million.
* * *
Sinong sibilyan ang sisita nga naman sa mga nagpapairal ng state of emergency na mga unipormadong Army at pulis?
Hangga’t di iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkawala ng P400 million sa vault ng mga Ampatuan, hindi titigil ang pag-loot sa mga government offices sa Maguindanao.
Humahanap ng mananakaw ang mga tropa sa mga government offices sa pag-aakala na marami pang mga pera na mahahanap sa mga lugar na ito.
Bantay-salakay sila.
* * *
Malapit nang arestuhin si Sen. Ping Lacson at ikulong habang siya’y nililitis sa kasong double murder sa pagdukot at pagpatay kina PR man Bubby Dacer at kanyang driver na si Emmanuel Corbito.
Walang bail ang murder at walang rekomendasyon na siya’y puwedeng magpiyansa for his temporary liberty.
Inabutan na si Ping ng karma sa kanyang mga ginawang pagpatay sa mga taong walang kasalanan.
Okay lang sana kung ang kanyang mga pinatay ay mga pusakal na kriminal, pero marami sa kanila—na gaya nina Dacer at Corbito—ay walang kasalanan.
Walang utang na di pinagbabayaran.
* * *
May kasabihan sa English, “When it rains it pours.”
Kapag bumuhos ang ulan, bubuhos ito ng malakas.
Ang ibig sabihin ay kapag inabot ka ng kamalasan o magandang kapalaran, sunod-sunod ang masasama o mabubuting bagay na darating sa iyo.
Sa kaso ni Ping Lacson, simula na ang sunod-sunod na pagdating sa kanya ng indulto.
* * *
Matagal din ang pagbuhos kay Ping ng grasya o magandang kapalaran.
Naging hepe siya ng Philippine National Police, senador, presidential candidate na maraming bumoto kahit natalo, popular sa maraming tao, mayaman.
Pero may hangganan din ang kanyang magandang kapalaran dahil sa karma.
Dumating na ang karma sa buhay ni Ping dahil sa kanyang mga buhay na inutang noong siya ay alagad ng batas pa.
Ang masakit pa nito, ang kanyang tauhan pa ang nagturo sa kanya sa Dacer-Corbito murders.
Di siguro inakala ni Ping na pagdating ng araw ay makokonsensiya si dating Senior Supt. Cezar Mancao, na kanyang tauhan sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOC-TF), sa pagkamatay nina Dacer at Corbito.
Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 011110
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.