Allianz bagong ‘worldwide partner’ ng Olympic Games
Frederick Nasiad - September 20, 2018 - 05:11 PM
NAKIPAGKASUNDO ang insurance company Allianz bilang sponsor ng Olympics mula 2021 hanggang 2028.
Ito ang inanunsiyo ng International Olympic Committee (IOC) nitong Miyerkules.
Bilang bagong “worldwide Olympic partner,” ang Allianz ay magbibigay ng suporta upang matugunan ang mga pangkalahatang pangangailaang pang-insurance security ng Olympic Movement, kasama dito ang pagiging kabahagi ng Organizing Committees ng Olympic Games.
Dahil dito mapagkakalooban ng insurance ang National Olympic Committees sa buong mundo pati na rin ang mga atletang maglalaro sa Olympic Games.
Hangad ng Allianz at ng IOC na sa pamamagitan ng sports ay marating ang mga higit na maraming tao gamit ang iba-ibang digital channels, tulad ng Olympic Channel.
Naniniwala ang Allianz na sports ang daan upang mabigyan sila ng pagkakataon na malaman ng kabataan ang kahalagahan ng insurance.
Nakapaloob sa kasunduan ng Allianz at IOC ang marketing rights mula 2019 kung saan kasama ang 2022 Olympic Winter Games sa Beijing; 2024 Olympic Games sa Paris; 2026 Olympic Winter Games; at 2028 Olympics sa Los Angeles, California.
Ayon kay Gae Martinez, Chief Marketing Officer ng Allianz PNB Life, binibigyang diin ng kasunduang ito ang integridad, pagtutulungan at pagsasama na pawang mga bagay na pinahahalagahan ng mga Pilipino.
Sabi pa ni Martinez na kasama sa strategy ng Allianz sa Pilipinas ang ma-enganyo ang mga digital natives sa panahon na malaki ang impluwensiya ng digital conversation sa consumer behavior.
Naniniwala naman si Allianz PNB Life Director for Brand and Communications Rei Abrazaldo na ang pagsasamang ito ng Allianz at ng Olympics ay magpapatibay ng mensahe ng kumpanya upang palakasin ang loob ng mga tao na ipagpatuloy ang pagpapalawig ng kanilang kakayanan.
Si IOC President Thomas Bach naman ay nagagalak sa pagsali ng Allianz bilang sponsor ng Olympic Movement.
Natutuwa itong makatrabaho ang Allianz at sa suporta nito sa sports sa buong mundo. Ayon pa kay Bach, tiwala ang naging matibay na pundasyon ng Allianz at ito rin naman ang pundasyon ng samahang nabuo sa pagitan nila.
Bilang kasama sa pagtataguyod ng Olympic Agenda 2020, hangad ng Allianz at IOC na maibahagi ang halaga ng Olympics at ang kapangyarihan ng sports sa mga kabataan. –Frederick Nasiad
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending