Pagsadsad ng rating ng administrasyon asahan na sa pagtaas ng mga bilihin | Bandera

Pagsadsad ng rating ng administrasyon asahan na sa pagtaas ng mga bilihin

Bella Cariaso - September 09, 2018 - 12:10 AM

SA kabila na ramdam ng bawat Pinoy ang pagtaas ng mga bilihin, pilit naman itong minamaliit ng Palasyo, partikular ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa kanyang briefing kamakailan, iginiit ni Roque na normal lamang ang hindi mapigilang pagmahal ng mga bilihin.

“So, hinay-hinay lang po tayo. Normal pa po ‘yan. It’s higher than usual, but it’s nothing to be worried about,” ang direktang sabi ni Roque.

Batay sa pinakahuling datos, umakyat ng 6.9 porsiyento ang inflation rate o sa simpleng paliwanag, masasabing 6.9 porsiyento ang itinaas ng mga presyo ng bilihin.

Ayon pa sa datos, pinakamataas na ito sa nakalipas na siyam na taon.

Bagamat nais maliitin ni Roque ang napakamahal na bilihin, iba naman ang nangyayari sa araw-araw na pamumuhay ng mga ordinaryong Pinoy.

Ramdam ang napakamahal na bilihin, mula sa isda, karne, manok, grocery items at maging ang mga gulay. Mataas na rin ang pamasahe at nagbabadya pang lalung tumaas.

May pahayag din si Sen. Panfilo Lacson, kung saan nagbabala siya mauuwi sa krisis sa pagkain ang problema sakaling hindi ito masolusyunan ng pamahalaan.

“Sobrang taas ang bilihin, pati isda. Lahat halos basic food sa table e hindi na kinakayang bilhin, lalo na ang sobrang mahirap nating kababayan. Pwede nating sabihin na kung wala mang food crisis pa, malapit na tayo magkaroon ng food crisis kasi tumataas ang bilihin,” babala ni Lacson.

Sa kanyang talumpati sa Filipino community sa Jordan, sinisi naman ni Duterte ang Amerika sa nangyayaring pagtaas ng inflation rate.

“Inflation is… Dahil ‘yan sa — kay Trump. When Trump raised the — ’yung mga tariff niya pati banned other items, nagkaloko-loko…,” sabi ni Duterte.

Sa harap naman ng pagtatangka ng gobyerno na pakalmahin ang mga Pinoy, nahaharap pa rin sila sa katotohanan na talagang sobra ang taas ng mga bilihin.

Sabi nga, maaaring walang pakialam ang marami sa mga Filipino sa isyung pulitikal dahil abala sila sa pagbabanat ng buto para mabuhay at makaraos sa araw-araw.

Asahan ng gobyerno na dahil malapit sa sikmura ang isyu ng pagtaas ng mga bilihin, hindi ito maaaring palampasin ng karamihan.

Imbes na magtangka ang pamahalaan na maliitin ang isyu, gumawa na lamang ng hakbang para maibsan ang problema.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ito’y kung ayaw ng gobyerno na sumadsad ang rating ng administrasyon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending