Para sa ikauunlad ng sports

By Lito Cinco September 07,2018
share this

Para sa ikauunlad ng sports

By Lito Cinco September 07,2018
share this

NAKABALIK na sa Pilipinas ang lahat ng atleta at mga sports officials natin mula sa 18th Asian Games sa Indonesia.
Siyempre pinag-uusapan na ngayon ang naging performance natin doon kung saan nanalo tayo ng 4 gold medals (sa golf, skateboarding at weightlifting), 2 silver medals (sa boxing at judo) at 15 bronze medals naman na ang karamihan ay galing sa contact sports, including two from taekwondo poomsae.

Overall, 19th place tayo.

So ano ang susunod na mangyayari?

Tandaan natin na sa susunod na taon tayo ang host sa 2019 Southeast Asian Games at sa 2020 naman ay sasali tayo sa Tokyo Olympics.

Natuwa ako nang mabasa ko ang interview kay Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas pagbalik niya galing Indonesia. Nagbigay siya ng assessment sa nangyari sa Indonesia at kung ano pa ang mga kailangang gawin. Sinabi niya na ang grassroots program ay dapat mas bigyan ng pansin para makahanap ng mga bago at mga batang atleta. At ‘yung mga may leadership problems na national sports association (NSA) ay nag-suffer sa Asian Games kaya kailangan itong ma-address agad. At siyempre, mas pagbubutihin pa raw ang relasyon at pagtutulungan ng POC, mga NSA at Philippine Sports Commission (PSC).

Ang layunin ngayon ay ang mabigay kung ano ang kailangang tulong sa mga atleta na walang distraction at politika lalo na nga sa mga NSA na may leadership disputes.

Noon pa mang naupo si Ricky, sinasabi ko na dapat unahin itong awayan sa ilang NSA pero parang wala ring nangyari matapos ang ilang buwan.

Sa koordinasyon naman ng POC at PSC, ang sabi sa akin ng isang taga-POC ay nangyayari naman daw ito ngayon. Hindi lang daw kasi mahilig mag-post sa social media ang mga taga-POC, pero sabi naman sa akin ng isang PSC Commissioner na itatago natin sa kanyang nom de guerre na Maxi Green, matagal na raw nilang hinihintay ‘yung seryosong makaupuan nila ang liderato ng POC para nga pag-usapan ang mga gagawing hakbang sa pagbabago sa Philippine sports scene.

Kaya nga para sa akin, ito ‘yung una sanang mangyari na sina Butch Ramirez at Ricky Vargas, kahit silang dalawa lang muna, ay mag-usap na sa general directions na sabay nilang susundan. Kapag nagkasundo kasi ang dalawang ito mas madali na ang pag-workout sa mga detalye. Isa sa mga sasagutin nilang tanong dapat, magpo-focus na nga ba tayo sa mga sports na may pag-asa tayong magkamedalya regardless kung Asian Games ito o Olympic Games.

Mahirap naman kasi talaga na suportahan lahat ng sports kahit na nga wala tayong pag-asa na maka-place. Sabi ni Maxi Green, 15 to 20 sports lang daw dapat ang nasa priority list. Ginawa na dati iyan ng PSC para sa funding at POC yata ang umangal kaya dapat magkasundo muna sila.

Saan nga ba raw tayo may pag-asa?

‘Yung sports na may weight classifications pareho na nga ng boxing, weightlifting, taekwondo, karate, judo at iba pang martial arts, mga sports na hindi mahalaga ang height at weight dahil agrabyado nga tayo rito pareho ng basketball. Pero itong huli ay isang sport na palaging number 1 sa maraming Pinoy at handang gastusan ng ibang tao pareho ni Manny V. Pangilinan.

Ang sports daw na athletics at swimming, mandated events sa major international competitions dahil maraming medals at stake, ay dapat din daw bigyan ng pansin. Pero ito ngang huling Asian Games, walang naiuwi na medalya ang mga atleta natin at sang-ayon sa isang eksperto sa athletics, ni wala nga raw new records or personal best na naitala sa athletics na bago ang Asian Games ay nagsasabi na mag-uuwi sila ng medalya.

Hinihintay ko nga ang eksplanasyon ni Popoy Juico dahil maganda naman ang naging funding sa Patafa, hindi lang sa PSC kundi pati sa private sector. Pero kung walang improvement na nakita, may problema nga sa athletics. Ewan ko kung totoo na may nagsabi raw na tune-up lang naman daw itong Asiad para sa SEA Games na kung totoo ay hindi ko matanggap. Kung totoo nga na P250,000 a month ang suweldo ng foreign coach ng Patafa, dapat naman ay makakita tayo ng mas magandang performance ng mga atleta nila.

Dapat kasi ay SEA Games ang tune-up at qualifying para sa Asian Games at ang Asian Games sa Olympics, pero meron pa nga kasing sariling qualifying events sa Olympics.

‘Yung nangyari sa swimming, hindi nakagugulat dahil talagang fragmented ang swimming world at hati ang mga atleta, bukod sa apektado sila ng pulitikahan sa sport na ito.

Bowling na supposedly nakakuha ng suporta na mahigit P9 million sa paghahanda sa Asian Games ay malaking disappointment din. Tulad ng swimming, may dalawang faction din ang asosasyon ng bowling.

Mauubos ang espasyo ko rito ay hindi ko pa matatalakay lahat ng usapin sa sports so hintayin ninyo, may part 2 o part 3 pa ito na parang telenovela.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending