JAKARTA – Hinawi ni 2016 Rio Olympian Rogen Ladon ang una sa posibleng tatlong medalya ng Pilipinas Biyernes ng hapon matapos nitong angkinin ang isang silya sa kampeonato ng men’s flyweight (52kg) sa ginaganap na 18th Asian Games boxing competition dito sa Jakarta International Expo dito.
Tumuntong sa labanan para sa gintong medalya ang 22-anyos mula mula Bago City, Negros Occidental na si Ladon matapos nitong biguin sa impresibong paglaban ang nakatapat na si Yuttapong Tongdee ng Thailand.
Nakakolekta ng kabuuang 148 iskor mula sa limang judges ang hindi pa nakakatikim ng gintong medalya sa pagsali sa mga internasyonal na torneo na si Ladon sa kanyang dominanteng pagsagupa kay Tongdee tungo sa unanimous decision na panalo, 5-0, at silya sa labanan para sa gintong medalya ngayong gabi.
“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon at sa lahat ng tumutulong sa amin lalo na po kina sir Ed (Picson), kina Patrick Gregorio at president Ricky Vargas. Para po ito sa ating lahat at sa bayan,” naluluhang sabi ni Ladon, na huling nakapilak sa 2018 Kapolri Cup II sa Manado Indonesia; 2018 International Boxing Tournament sa Astana Kazakhstan at sa ginanap na 2018 Test Event Pre-Asian Games dito rin sa Jakarta Indonesia.
Huling nakatikim ng gintong medalya sa internasyonal na torneo si Ladon noong 2012 2nd Taipe City Cup sa Taipei City at noong 2011 International Boxing Tournament sa Hong Kong.
Makakasagupa ni Ladon para sa gintong medalya ang taga-Uzbeklistan na si Jasurbek Latipov, na pinatalsik naman ang taga-Kyrgyzstan na si Azat Uzenaliev, 4-1, sa isa pang salpukan sa semifinals.
Hindi naman kinasihan ng suwerte si Carlo Paalam matapos na malasap ang kaduda-dudang 2-3 kabiguan kontra sa nakatapat nito na si Amit ng India sa light flyweight division.
Nakuha ni Paalam ang unang round subalit nabigo sa sumunod na dalawang round upang magkasya lamang sa unang tansong medalya ng koponan sa boxing.
Nakalasap naman ng 2-3 kabiguan si Eumir Felix Marcial kontra sa taga-Uzbekistan na si Israil Madrimov sa middleweight class upang magkasya lamang sa tansong medalya para sa Pilipinas.
“Binigay ko na lahat, pero binigay ng mga judges sa India,” naiiyak na pahayag ng 20-anyos na si Paalam. “Wala akong magagawa, wala akong control sa mga judges.
“Thank you sa God, hindi talaga para sa akin,” sabi ni Paalam. “Masakit man sa dibdib, meron mga trials.”
Nagwagi sa puntos sa limang hurado si Paalam sa unang round subalit hindi nito nakamit ang sumunod na dalawang round upang magpaalam sa hinahangad nitong posibleng tansong medalya.
Sadsad naman sa unang dalawang round si Marcial base sa mga puntos ng limang hurado bago nito nakuha ang ikatlong round kung saan nabalewala ang naipuwersa nitong dalawang standing eight counts dahil mas nauna nang nakapagtala ng dalawang round na panalo ang Uzbekistan.
Naiwan na lamang para sa pag-asa ng Pilipinas na makasungkit ng gintong medalya si Ladon na makakasagupa naman sa kampeonato ang isa pang boksingero mula sa Uzbekistan.
Matatandaan na nais nang alisin ang sport na boxing sa Olympics partikular sa susunod na 2020 edisyon sa Tokyo, Japan dahil sa malalang dayaan at kawalan ng maayos na pag-iiskor sa mga laban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.