JAKARTA – Nahablot ni Fil-Japanese judoka Kiyomi Watanabe ang unang pilak na medalya ng Pilipinas matapos mabigo sa kalabang Japanese sa gold medal match ng women’s -63 kg judo competition ng 18th Asian Games sa Jakarta Convention Center Plenary Hall 1 Huwebes ng gabi.
Nabigong makakuha ng puntos si Watanabe laban kay Nami Nabekura ng Japan na dalawang beses nakagawa ng waza-ari para itala ang 10-0 iskor at Ippon na panalo sa kanilang laban para sa ginto.
Bago ito ay winakasan ni Watanabe ang 32 taong pagkauhaw ng Pilipinas sa judo medal matapos niyang talunin ang nakasagupa na si Gankhaich Bold ng Mongolia sa semifinals sa pamamagitan ng waza-ari para makamit ang 1-0 puntos upang makasiguro ng pilak na medalya sa torneo.
Pinutol ni Watanabe ang bangungot sa medalya ng Philippine Judo Federation sa nakalipas na walong edisyon simula 1986 hanggang 2014 sa Asian Games matapos na maging medal sport ang nasabing Japanese martial art sa 10th Asian Games noong 1986 sa Seoul, South Korea.
Wala pang nasusungkit na medalya ang mga Filipino judoka simula noong 1990 Asian Games sa Beijing, China; 1994 Asiad sa Hiroshima, Japan; 1998 Asiad sa Bangkok, Thailand; 2002 Asiad sa Busan, South Korea; 2006 Asiad sa Doha, Qatar; 2010 Asiad sa Guangzhou, China at 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea.
Umakyat ang International Judo Federation world ranked No. 19 na si Watanabe sa semifinals sa itinala nitong panalo sa pamamagitan ng Ippon kontra world ranked No. 204 at dating Southeast Asian Games champion na si Orapin Senathan ng Thailand sa quarterfinals.
Dinuplika ni Watanabe ang kanyang panalo kontra Senathan na nakalaban nito para sa gintong medalya sa 2017 Kuala Lumpur SEA Games.
Nabigo na humakot ng medalya si Mariya Takahashi matapos na makalasap ng kabiguan sa pamamagitan ng Ippon sa 1 minuto at 29 segundo sa repechage contes kay Naranjargal Tsend-Ayush ng Mongolia.
Tinalo ni Takahashi sa quarterfinals Huwebes ng umaga sa women’s -70 kg round of 16 sa pagwawagi sa Ippon sa 1 minuto at 21 segundo para patalsikin ang five-time SEA Games champion na si Surattana Thongsri ng Thailand. Si Thongsri ang gold medalist sa SEA Games simula noong 2007 bago hinubaran ng korona ni Takahashi noong 2017.
Gayunman, ang 17-anyos na si Takahashi ay nahulog sa labanan para sa tansong medalya matapos itong mabigo sa defending champion at 2014 Incheon Asian Games gold medalist na si Seongyeon Kim sa quarterfinals via Ippon sa 1 minuto at 1 segundo para sa 0-11 iskor.
Unang napatalsik si Megumi Kurayoshi sa women’s -57 kg round of 16 via Ippon sa 2 minuto at 44 segundo kontra sa IJF World ranked no. 30 at World Cup silver medalist Leung Po Sum ng Hong Kong, China.
Nagwagi muna si Keisie Nagano sa kanyang unang laban kontra Eyal Salman Younis ng Jordan sa men’s -73 kg round of 32 via Waza-arisa ika- 4:00 minuto subalit hindi nakayasanan si Mohammad Mohammadi Barimanlou ng Iran na nagpalasap dito ng Ippon sa 0:55 segundo sa round of 16.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.