SINUBAYBAYAN ng buong bansa ang pagbabalik-telebisyon ng unang Asianovela na nagpaibig sa buong bansa, ang Meteor Garden, na nagsimulang ipalabas noong Lunes (Agosto 20) sa dati nitong timeslot kung saan umere ang hit na original Taiwanese version ng serye.
Nagtala ang 2018 remake ng Meteor Garden ng national TV rating na 21.4%, at nagwagi laban sa katapat nitong palabas na Wowowin na nakakuha lamang ng 15.4%, ayon sa datos ng Kantar Media.
Sa pagdiriwang ng ABS-CBN ng ika-15 taon nito bilang true and first home of Asianovelas, muling susundan ng mga Pinoy ang buhay ni Shancai, isang dalaga mula sa isang simpleng pamilya na maglalakas-loob kalabanin ang F4, isang grupo ng apat na maiimpluwensyang binata sa kanilang unibersidad.
Magiging target si Shancai ng pambu-bully ng F4 para lamang umalis siya sa eskwelahan.
Ngunit sa gitna ng gulo, magkakaroon ng interes sa kanya si Huaze Lei, ang magsisilbing protektor niya laban sa iba pang mga estudyante. Gugulo naman ang samahan ng F4 kapag nahulog ang loob ni Daoming Si sa palabang bida.
Bumibida sa 2018 na bersyon ng Meteor Garden ang sikat na Chinese stars na pinangungunahan ng aktres na si Shen Yue bilang si Dong Shancai. Gaganap naman bilang mga miyembro ng F4 sina Dylan Wang bilang Daoming Si, Darren Cheng bilang Huaze Lei, Connor Leong bilang Fang Meizuo at Ceasar Wu bilang Ximen Yan.
Napapanood ang Meteor Garden bago mag-TV Patrol sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.