Laban Pilipinas | Bandera

Laban Pilipinas

Dennis Eroa - August 22, 2018 - 12:15 AM

ITO ang tamang panahon upang magkaisa ang buong sambayanang isports at ipanalangin ang pagkislap ng ating bayang magiliw sa ginaganap na 2018 Asian Games sa Jakarta at Palembang sa Indonesia.
Hindi maitatanggi na palpak ang kampanya ng Pilipinas noong 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea. Muntik nang mabokya ang bansa kung ginto ang pag-uusapan. Mabuti na lang at nakuha ni London Olympics veteran Daniel Caluag ang unang puwesto sa BMX cycling para sa kaisa-isang gold medal ng bansa.
Ganunpaman, hindi maitatago na nakita ng buong Asya kung gaano na kababa ang posisyon ng bansa sa mundo ng sports kumpara sa mga kalaban na dati rati’y pinaglalaruan lamang natin. Ito ang tuwirang resulta ng paghawak ng mga opisyal na hindi inuuna ang kapakanan ng mga atleta kundi ang pangsariling agenda.
Malaki na ang pagbabago sa liderato sa kasalukuyan at matapos ang apat na taon ay heto na naman at muling susubok ang mga nasyonal sa tinaguriang Olympics ng Asya.
Ganito ang sitwasyon. Ginawa ng Philippine Sports Commission sa ilalim ni William ‘‘Butch’’ Ramirez at mga commissioner na sina Ramon Fernandez, Charles
Maxey, Celia Kiram at Arnold Agustin ang lahat upang suportahan ang mga atleta hindi lang sa materyal na bagay kundi maging sa paghulma ng kanilang pisikal at mental na kondisyon bago sumabak sa aksyon.
Ika nga ay bigay-todo ang ahensya ng pamahalaan ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Duterte upang walang reklamo na makuha mula sa mga atleta.
Iyon nga lang, nananatili ang mga agam-agam sa magiging resulta ng kampanya ng bansa na nag-uwi rin ang tatlong pilak, at 11 tanso sa ika-17 edisyon ng Asiad sa Incheon noong 2014.
Ayon sa talaan ay tinapos ng Pilipinas ang Incheon Asiad na nasa ika-22 puwesto. Dinaig tayo sa Thailand na may 12 ginto, Hong Kong (6 ginto), Malaysia (5 ginto), Singapore (5 ginto), Indonesia (4 ginto) at maging ang Myanmar na may 2 ginto. May isang ginto ang Vietnam ngunit mas marami ang kanilang mga pilak at tanso kumpara sa Pilipinas.
Anyare? Ito ay dahil na rin sa kakulangan ng kaalaman ng ilan sa mga opisyal na nalagay sa puwesto dahil sa paboritismo at pulitika.
Sabi nga ng beteranong si Ed Andaya ng People’s Tonight madilim pa sa madilim na kulay ng Ilog Pasig ang pag-asa ng Pilipinas na makahukay ng maraming medalyang ginto sa Jakarta.
Mananatili akong positibo at sasabihing higit sa isang ginto ang iuuwi ng ating mga atleta na palalakasin ang loob ng tumataginting na milyones na pabuya mula sa PSC, Siklab Atleta at Philippine Olympic Committee.
Magbasa, mag-aral, maglakbay

Bagamat siya ang chairman ng PSC, magandang isipin ang mga sinasabi ni Butch Ramirez.
Ayon kay Ramirez nararapat lamang na magbasa, mag-aral, dumalo sa mga pulong at maglakbay ang mga pinuno ng isports sa bansa sapagkat ito ang magsisilbing daan upang mapag-aralan nila kung ano ang mga dahilan ng tagumpay ng ibang bansa na maaaring dalhin sa Pilipinas.
Muling sinabi ni Ramirez ang kahalagahan ng pag-pokus ng atensyon ng PSC sa mga tinaguriang ‘‘elite sports’’ upang tapusin na ang nakaiinip na paghihintay ng bansa sa kauna-unahang Olympic gold.
Samantala, bibigyang inspirasyon ni Ramirez ang mga atletang Pinoy at Pinay na sasagupa sa Asiad. Nais ni Ramirez kasama ang mga taga-PSC kabilang si media bureau chief Malyn PerezdeTagle Bamba na tugunan ang pangangailangan ng mga nasyonal.
Nakipagpulong din si Ramirez sa mga opisyal ng Olympic Council of Asia (OCA).
Ayon kay Ramirez, kasama niyang humarap sina Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas, 2019 SEA Games Committee chairman at DFA secretary Alan Peter Cayetano at Siklab Foundation chairman Dennis Uy sa pamunuan ng OCA upang ipresenta ang 2019 hosting ng bansa para sa 2019 SEA Games.
Hindi rin nawawala ang posibilidad na tangkain ng Pilipinas na dito gawin ang 2030 Asian Games. Hindi naman masamang pangarap, di ba?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending