PITONG umano’y kasapi ng New People’s Army ang napatay nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang rebeldeng grupo sa San Jose, Antique, Miyerkules ng madaling-araw.
Nakilala ang anim sa mga napatay bilang sina Jason Talibo alyas “Bebe,” Karen Ceralvo, Felix Salditos, Jason Sanchez, Rene Yap, at Liezel Bandiola alyas “Mayang,” habang ang isang lalaki’y di pa makilala.
Narekober ang bangkay ng pito, at walang naiulat na nasugatan o nasawi sa mga nag-operate na pulis at sundalo, sabi ni Supt. Joem Malong, tagapagsalita ng Western Visayas regional police.
Naganap ang engkuwentro sa Brgy. Atabay pasado alas-12.
Nagsagawa ng operasyon doon ang San Jose Police, Antique Provincial Mobile Force Company, at Armed Forces para dakpin sina Talibo at Joven Ceralvo alyas “Lex,” na may kasong frustrated murder, ani Malong.
Sa kasagsagan ng operasyo’y nakasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang di mabatid na bilang ng rebelde, at tumagal nang mahigit 30 minuto ang palitan ng putok, ani Malong.
Nakatakas si Joven Ceralvo, na sinasabing isa sa mga namuno sa pagsalakay ng malaking bilang ng NPA sa istasyon ng pulisya sa Maasin, Iloilo, noong Hunyo 2017.
Bukod naman sa mga narekober na bangkay, nasamsam sa pinangyarihan ng engkuwentro ang pitong granada, dalawang homemade na kalibre-.38 baril, isang homemade shotgun, homemade KG-9 machine pistol, at sari-saring magazine.
Nakatagpo rin ng tatlong laptop, limang tablet, 29 cellphone, sari-sari pang mga gamit pang-komunikasyon, personal na kagamitan, mga identification card, extortion letter, listahan ng mga tao at kumpanyang kinikikilan, bank books at ATM cards, mga gamot, isang motorsiklo, at P34,601 cash.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.