Joshua, Julia walang dapat ikahiya sa PDA: Walang peke-peke sa amin!
“HINDI kami nagpepeke-pekean!” Ito ang ipinagdiinan ni Julia Barretto tungkol sa relasyon nila ng kanyang ka-loveteam at rumored boyfriend na si Joshua Garcia.
Sa grand presscon ng kauna-unahan nilang teleserye together, ang Ngayon At Kailanman under Star Creatives, natanong ang dalawang Kapamilya stars tungkol sa isyu ng PDA. Marami kasi ang nakakapansin na parang sumosobra na raw ang paglalambingan at pagiging sweet nila sa isa’t isa. Hindi ba sila naaasiwa o nahihiya?
Sagot ni Joshua, “Hindi naman po, ano lang, ‘yung nararamdaman ko lang talaga.” Na sinegundahan naman ni Julia ng, “Okay lang naman po, kasi ang maganda sa samahan namin ni Joshua at sa trabaho po namin hindi lang namin ginagawa para sa mga tao kundi galing sa puso. Walang peke-peke, totoong nararamdaman po namin.”
Inamin naman ni Joshua na napagsasabihan na siya ng Star Magic pati na rin ng nanay ni Julia na si Marjorie Barretto na medyo bawasan ang sobrang paglalambing niya kay Julia dahil nga nami-misinterpret na sila ng mga tao. Pero sey ng binata, mahirap daw kasing kontrolin ‘yung nararamdaman niyang pagmamahal kay Julia.
Pero para sa mga taong nakakasama at nakakatrabaho ng JoshLia, wala silang nakikitang nega rito, sa katunayan naghahatid pa raw ito ng good vibes sa kanila. Ayon kay Ina Raymundo na gumaganap na nanay ni Julia sa Ngayon At Kailanman, iba ang epekto sa kanya ng JoshLia magic.
“Ang masasabi ko lang sa JoshLia yung PDA nila tamang-tama lang. Nakaka-good vibes. Tapos pag-uwi ko, dala-dala ko ‘yung sweetness nila. Tapos yung asawa ko nagtataka sa akin bakit daw parang pini-flirt ko siya. I’m not joking! Naiinggit ako sa kanila, na bakit hindi ko pwedeng gawin uli sa asawa ko and kinikilig naman yung asawa ko.
“Kaya may magic ang JoshLia. Alam mo what you see is what you get. Sweet sila pag nagtatampuhan sila. Para silang tipikal na alam mo yun, naaaliw ako sa kanila. Sabi ko nga yung role ni Julia rito, she reminds me of Robin Padilla na girl version. Ang galing-galing niya!” sey pa ni Ina.
Samantala, tinanong din sa mediacon ang magka-loveteam kung ano ang feeling kapag sinasabing young version sila nina John Lloyd Cruz at Claudine Barretto? Ani Joshua, “Nakaka-flatter din po. Pero hindi ko na po mapapantayan yun, eh. John Lloyd na po yun eh. Kumbaga successful na po siya. Ako nandito pa lang.”
Tugon naman ni Julia, “Opo it is very flattering to receive such as a compliment pero at the same time I grew up in the shadows of my titas, my mom and my dad. Pero someday I really hope I will be able to make a name for myself and that I will be able to be recognized not because of my last name.” Sa dalawang tita mo sino ang mas gusto mo? Sagot ni Julia, “I love them both equally I cannot choose.”
Samantala, level-up na ang JoshLia sa unang pagtatambal nila sa bagong teleseryeng tampok ang walang kupas na kwento ng kapangyarihan ng pag-ibig, ang Ngayon At Kailanman na magsisimula sa Aug. 20.
Ipamamalas nina Joshua at Julia ang kanilang husay sa pag-arte bilang sina Inno at Eva at ipapakita kung ano ang handang gawin ng dalawang taong nagmamahal para rito.
Pagtatagpuin ng tadhana ang mga pusong mula sa magkaibang mundo – si Inno mula sa makapangyarihang pamilya ng mga Cortes, at si Eva naman ay laki sa hirap. Bagama’t hindi magkakasundo sa simula, hindi nila maitatanggi ang mamumuong pagmamahal nila para sa isa’t-isa.
Ngunit tadhana rin ang sisira sa kanila dahil sa misteryong bumabalot sa pagkatao nina Inno at Eva at sa paghadlang ng pamilya ni Inno sa dalaga. Ano ang kayang itaya nina Inno at Eva para sa pag-ibig?
Tampok din sa Ngayon At Kailanman ang pagbabalik-telebisyon ng isa sa mga batikang aktres na si Rosemarie Gil bilang si Carmen Cortes, ang matriarch ng pamilya Cortes. Kabilang din sa serye sina Rio Locsin, Iza Calzado, Christian Vasquez, Alice Dixson, Ina Raymundo, Dominic Ochoa at TJ Trinidad. Nandiyan din sina Jameson Blake na gaganap bilang Oliver, ang kuya ni Inno at karibal sa pagmamahal ni Eva, at si Joao Constancia bilang si Dom, ang kababata ni Eva.
Tumutok gabi-gabi sa Ngayon At Kailanman sa Primetime Bida ng ABS-CBN pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano simula Aug. 20.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.