DEAR Ateng Beth,
Good evening po sa lahat ng mga mahal mo sa buhay, lalong lalo na sa inyo.
Maaari mo akong tawagin sa pangalang Anton Elias, tubong-Cotabato. Ang suliranin ko po ay hindi rin naiiba sa lahat ng mga nagpapadala sa iyo ng liham araw-araw.
Ang problema ko po ay ang dalawa kong anak na babae sa asawa kong taga-Pangasinan. Hiwalay po kaming dalawa.
Umuwi na ako ng Mindanao sa piling ng aking mga kapatid. Ang pinakamalaking problema ko po ay pilit kong isinasama sa Mindanao ang dalawa kong anak pero ayaw nila dito sa amin.
Ano po ang dapat kong gawin para pumayag sila?
Gumagalang at
nagpapasalamat,
Anton Elias,
Cotabato City
REPLY: Magandang araw sa iyo, Anton Elias.
It seems buo na ang loob mo na isama sila, o pilitin sila na sumama sa iyo sa Mindanao at doon manirahan.
So, ang tanong mo ay paano mo pa sila pipilitin na sumama diyan sa iyo sa Mindanao?
Painumin mo ng pampatulog. Umarkila ka ng tagakarga sa kanila pasakay ng barko o eroplano. At boom! Paggising nila nasa Mindanao na sila.
Wag mo silang bigyan ng pera kahit kailan para hindi sila makaipon ng pamasahe pabalik ng Pangasinan.
Pasensya na, pero iyon lang ang alam kong paraan.
Pero kung makikinig ka sa rason nila at igagalang ang pasya nila, baka mas makabuluhan at maganda ang kalalabasan ng relasyon ninyong mag-aama kahit pa magkakalayo kayo.
Una, maiintindihan mo sana na lumaki na sila sa Pangasinan. Naroroon ang kanilang support system – kamag-anak, kaibigan, pamilyar na mga mukha – mahirap kayang mamuhay at magsimula sa ibang lugar na iba ang salita at iba ang kultura sa kinalakhan nila.
Nabasag na sila ng maghiwalay ang mga magulang nila, huwag mo na namang durugin pa na ialis sila sa lugar na gusto nila.
Pangalawa, may mababago ba sa pagka-ama mo sa kanila maliban sa distansya?
Clearly, kung maayos ang relasyon ninyo, nagdadalawang isip sila na sumama sa iyo o magpaiwan sa Pangasinan. Siguro mas nanalo lang ang kagustuhan nilang maiwan sa Pangasinan dahil nga doon sila lumaki.
So kahit magkalayo kayo, gamitin mong advantage sa inyo ang dali ng pakikipagkomunikasyon sa panahon ngayon. Napakadaling tumawag ngayon. Pwede rin namang text o chat. At ang maganda pa ay pwede pang video call.
Mas magiging malapit siguro kayo kung hahayaan ninyo munang mag-heal ang mga sakit na nararamdaman ninyong lahat mula sa paghihiwalay ninyong mag-asawa.
At pangatlo, walang buting magagawa ang pilitin sila. Bukod sa karapatan nilang mamili at magdesisyon para sa sarili nila, mas makakagaan sa mga relasyon ninyo na magdesisyon kayo ng ayon sa laman ng damdamin ninyo.
Hindi mo nga sila tinanong nung maghiwalay kayong mag-asawa, di ba? Desisyon ng isa o pareho kayong mag-asawa ang maghiwalay. Hindi sila kasali sa desisyong iyon pero kaparte sila ng resulta.
So makakabuting hayaan mo silang magdesisyon para sa sarili nila. Ang gawin mo, magsikap ka. Maging mabuti kang ama na sumusuporta sa kanila. Makipagkomunikasyon ka sa kanila.
Eventually mula sa mga kwento mo, baka pumasyal sila at magbakasyon-bakasyon diyan sa Mindanao. Mas maganda pa ang relasyon at pagtitinginan ninyo, di ba?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.