SA kabila ng matapang na mga pahayag ni Pangulong Duterte hinggil sa ginagawang pang-aabuso sa mga OFW ng kanilang mga employer sa Gitnang Silangan, masakit ang katotohanan na nagpapatuloy pa rin ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso.
Hindi nga naman mahihinto ito nang ganoon lang kasimple at kadali. Hindi agad-agad mababago ang masasamang mga pag-uugali at pagtrato ng mga amo sa kanilang mga kasambahay. Marami sa kanila, ang turing sa kanilang mga kasambahay ay mga alipin, worse, mga hayop.
Matatandaang ipinahinto pa nga noon ni Pangulong Dutere ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait nang matagpuan ang bangkay ng Pinay OFW sa isang freezer at mahigit nang isang taong itinago doon ng kaniyang mga amo matapos siyang patayin.
Nauna na rito, ang sunod-sunod na pagdating ng pitong bangkay ng mga Pinay mula sa Kuwait. Ito ang lalo pang nagpagalit kay Duterte kung kaya’t naging kumplikado ang relasyon ng nasabing bansa at ng Pilipinas noon.
Mabuti na lamang at mas pinadali na ang pagre-report sa iba’t-ibang klase ng mga pang-aabusong nararanasan ng ating mga OFW ngayon dahil sa makabagong teknolohiya.
Dahil sa kanilang mga mobile phones na kayang mag-video at kumuha ng litrato, nagagawa na ng ating mga OFW na agad maiparating ang kanilang mga kalagayan, ang mga ginagawang pang-aabuso sa kanila ng mga employer.
Sa isang video na inilabas ng OFW na si Gealyn Tumalis-Gavanes, makikitang nagmamakaawa ito at humihingi ng tulong matapos siyang banlian o tapunan ng kumukulong tubig ng kaniyang amo. Ginawang pampaligo nito sa OFW ang mainit na tubig.
Ayon sa report, sinabi ni Gavanes na nakararanas din siya ng mga pisikal na pang-aabuso gayong dalawang buwan pa lamang siya sa Dammam.
Nangyari umano ang naturang insidente nang malaman ng kanyang amo na tumawag siya sa kanyang ahensiya para isumbong ang ginagawa ng kanyang employer.
Sa kasalukuyan ay nasa hospital na si Gavanes at nasa pangangalaga ngayon ng OWWA o Overseas Workers Welfare Association.
Paano nga naman kung wala ang makabagong mga gadget na ito na nagsisilbing proteksyon at kaligtasan ng ating mga OFW? Napakarami nang nasalba sa tiyak na kamatayan nito ng dahil sa video at mga litratong ipinadadala ng mga naaabusong OFW.
Ang katotohanan, mahirap nga namang makapamili ng employer na may mabubuting pag-uugali. Gayong maaari silang maisama sa mga blacklisted employers kung marami ang reklamong natanggap laban sa kanila, ngunit napakarami ng mga ito upang mabantayan ng ating mga kinatawan ng embahada o konsulado.
Bukod pa sa maraming takot magsumbong at nagtitiis na lamang, umaasa silang hindi naman magtatagal iyon at titiisin na lamang nila dahil naniniwala silang makakahanap at makakalipat din sila sa matinong amo sa hinaharap.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.