Tatlong “maldita” ang sumabunot kay Bebot | Bandera

Tatlong “maldita” ang sumabunot kay Bebot

Bella Cariaso - August 05, 2018 - 12:10 AM

NAGING mabilis ang mga pangyayari para kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez matapos namang i-kudeta sa Kamara sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte noong Hulyo 23, 2018 na kung saan tatlong babae ang nanguna rito.

Pinangunahan ang pagpapatalsik kay Alvarez ni dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte at Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

May paniniwala rin na may basbas din ni Digong ang nangyaring kudeta, bagamat itinanggi ng Palasyo.

Sinasabing bago pa man ang SONA ay may mga pagkilos na para patalsikin si Alvarez.

Nakarating man sa kanya ang ginagawang pangangalap ng suporta ay minaliit niya ito sa pag-aakalang nasa kanya pa rin ang suporta ng mayorya ng mga mambabatas.

Nang sumapit ang araw ng SONA, halatang nabigla si Alvarez sa hayagang mosyon na siya ay tanggalin na.
Tinangka pa niya itong pigilan pero ang lahat ay huli na. Na-delay man ito bago mag-SONA, pormal na iniluklok si GMA pagkatapos na pagkatapos ng talumpati ni Digong.

Hindi naman kataka-taka ang naging papel ni Marcos matapos namang hayaan ni Alvarez ang ginawa noon ni dating majority leader at Ilocos Norte Representative Rodolfo Fariñas sa isyu ng Ilocos 6.

Direktang nakikialam noon si Alvarez sa isinagawang pagdinig ng Kamara at hinayaan si Fariñas sa ginawang panggigipit sa Ilocos Norte.

Maging ang nanay ni Imee na si dating first lady at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos ay hindi nakaligtas kung saan idinamay siya matapos namang tanggalan ng pondo para sa kanyang distrito.

Bagamat hindi nakialam si Digong sa away ni Imee kina Alvarez at Fariñas, lagi namang sinasabi ni Duterte na isa si Marcos sa ilang politiko na tumulong sa kanya sa 2016 presidential elections sa pamamagitan ng Solid North votes.

Minaliit din ni Alvarez ang kakayahan ni Arroyo. Bilang dating pangulo at lider ng isang partido, dapat ay batid niya na may mga loyal pa kay GMA.

Kabilang sa mga nanguna para iluklok ai Arroyo ay sina Buhay partylist Rep. Lito Atienza at siyempre si Bohol Rep. Arthur Yap, na bukod sa naging kalihim ng DA, ay estudyante pa ni GMA sa Ateneo de Manila University.

Alam din natin na mismong si Alvarez ay dating nanilbihan kay Arroyo bilang kalihim noon ng DOTC.
Matatandaang tinanggalan pa ni Alvarez si GMA ng posisyon sa Kamara matapos namang alisin bilang deputy speaker dahil sa kanyang pagtutol sa death penalty.

Sa kaso naman ni Sara, dati na silang nagkabanggaan kung saan rumesbak si Duterte matapos maliitin ni Alvarez ang pagtatayo niya ng sariling partido na Hugpong ng Pagbabago party.

Nagpalitan pa sila ng mga maaanghang na salita.

Masyadong nagtiwala si Alvarez na tatanawin na utang na loob ni Digong ang pagdadala sa kanya ng PDP-Laban noong nakaraang presidential elections.

Hindi ba’t inaway din ni Alvarez ang kilalang matagal na kaibigan at suporter ni Duterte na si Rep. Antonio Floirendo.

Bago pa man siya mapatalsik bilang Speaker, naging obserbasyon na imbes na maging asset, nagiging baggage pa si Alvarez ni Duterte sa harap naman ng mga isinusulong na mga panukala na ang impresyon ng publiko ay siya ang magbebenipisyo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa kaso ni Alvarez, literal na akma sa kanya na bilog ang bola at mga babae pa ang naging dahilan ng kanyang paglagapak.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending