UMABOT sa 6,786 pulis, o mahigit 3.57 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga alagad ng batas, ang napatawan ng iba-ibang parusa nitong nakaraang dalawang taon, ayon sa National Police.
Inilabas ng PNP ang bilang ng mga naparusahan sa gitna ng halos magkakasunod na pagkadakip, at minsa’y pagkakapatay pa, sa ilang alagad ng batas na nasangkot sa iba-ibang krimen, mula sa simpleng pangongotong hanggang sa iligal na droga at kidnapping.
Umabot sa 6,401 pulis ang napatawan ng kaparusahang administratibo mula 2016 hanggang sa unang anim na buwan ng 2018, batay sa talang nilabas ng PNP.
Ang mga naturang pulis ay nasangkot sa iba-ibang krimen, grave misconduct, serious neglect of duty, serious irregularity, malversation, dishonesty, at graft and corruption, sabi ni PNP spokesman Senior Supt. Benigno Durana.
Kabilang sa mga naparusahan ang 1,828 pulis na sinibak sa serbisyo.
Napapabilang din sa kanila ang 3,589 pulis na nasuspende, 362 na-demote, 403 napagsabihan, 147 tinanggalan ng suweldo, 43 pinigilan ng mga pribilehiyo, and 29 na restricted to quarters.
Hiwalay pa dito ang 261 uniformed at non-uniformed personnel ng PNP na sinibak sa serbisyo dahil sa paggamit ng iligal na droga, at 92 sinibak, 23 sinuspende, at siyam na na-demote para sa kinalaman sa kalakalan ng droga.
Magtutuluy-tuloy pa ang pagpaparusa sa mga nagkakasalang pulis, lalo’t nakatuon ang panunungkulan ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa pagdisiplina at pagreporma sa 190,000 alagad ng batas, ani Durana
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.