Joseph Marco napakagaling sa MMK, dapat premyuhan ng ABS-CBN
DATI na naming nasisilip si Joseph Marco sa tapos nang serye ng ABS-CBN na Wildflower na pinagbidahan ni Maja Salvador. Magaling siyang umarte.
Pero ang paghanga ay gusto naming ibigay sa kanya nang buung-buo naming mapanood ang MMK nu’ng nakaraang Sabado nang gabi. Kuwento ng isang taxi driver na nag-viral ang papel na ginampanan ni Joseph Marco.
Hindi ganu’n lang kasimple ang pagbibigay ng hustisya sa tinanggap niyang role. Maysakit na Tourette syndrome ang taxi driver. Hindi kontrolado ang kanyang galaw, pumipilig-pilig ang kanyang mga muscles, kaya napagbibintangan siyang adik.
Ang galing-galing ni Joseph Marco, niyakap niya nang isandaang porsiyento ang papel na ipinagkatiwala sa kanya, mas madalas siyang nakikitang pilig nang pilig, napapangiwi, dahil sa kanyang sakit.
Ang ganito kagaling na artista ay dapat pinepremyuhan ng network ng magagandang proyekto. Hindi siya nakapanghihinayang na pagkatiwalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.