PLANTSADO na ang paghaharap sa best-of-seven Finals ng PBA Commissioner’s Cup ng Barangay Ginebra, ang pinakasikat na koponan sa liga, at San Miguel Beer, ang sinasabing “the greatest team of all time” sa kasaysayan ng PBA.
Sa sikmura ng higanteng sagupaan na ito ay may dalawang head-to-head match-up na kagigiliwan ng mga PBA fans.
Ito ay ang sagupaan nina Greg Slaughter na tinaguriang “Gregzilla” ng Ginebra at June Mar Fajardo na kilala rin bilang “The Kracken” ng San Miguel.
Ang isa pang inaabangang banggaan sa loob ng court ay ang sa pagitan ng mga import na sina Justin Brownlee ng Gin Kings at Renaldo Balkman ng Beermen na magugunitang nagsanib puwersa bago magsimula ang torneyong ito para pangunahan ang Alab Pilipinas sa kampeonato ng ASEAN Basketball League (ABL).
Kolehiyo pa lang ay pinagtatapat na sina Fajardo at Slaughter sa Cebu Schools Athletic Foundation, Inc o CESAFI.
Noong 2009 ay nanaig sa CESAFI Finals ang University of Visayas ni Slaughter laban sa University of Cebu ni Fajardo. Iyon ang huling pagkakataon na nagharap sa Finals ang dalawang higanteng ito.
“We were young then, 19, 18-year-olds playing in the finals against each other. We’ve come along and it’s exciting to do that again,” sabi ni Slaughter.
Pero hindi tulad noon sa Cebu kung saan masasabing llamado si Slaughter sa kanilang one-on-one duel at mas nakalalamang na ngayon si Fajardo na mayroong hawak na apat na Most Valuable Player awards sa PBA.
Gayunman, hindi uurungan ng 2017 Governors’ Cup Best Player na si Slaughter ang hamon na muling makasagupa sa Finals ang kanyang matagal nang karibal.
“It’s good to just be able to face off on the largest stage, in the finals, where all the marbles count,” aniya. “Looking forward to it.”
Nakatutok din ang mga PBA fans kina Brownlee at Balkman.
“Just a couple of months ago, me and him were like Batman and Robin,” sabi ni Brownlee patungkol sa championship run nila sa ABL.
“It’s gonna be exciting for the fans, it’s gonna be a treat for them, and hopefully, like one of (Balkman’s) favorite quotes, it’s gonna be a show. I hope it will be just that.”
Magkasangga man sila sa labas ng court ay pareho nilang sinabi na sa pagdating sa Finals umpisa sa darating na Biernes ay walang kai-kaibigan at walang bigayan. Laban kung laban.
Pinangunahan ni Balkman ang San Miguel sa 3-1 panalo ng Beermen sa Alaska Aces sa semis habang nagbida naman si Brownlee sa parehong 3-1 pagwawagi sa semis laban sa Rain or Shine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.