MARIING pinabulaanan ng young actor na si Akihiro Blanco na may anak na siya pagkabinata.
Kumalat kasi ang tsismis na nabuntis daw niya ang dati niyang girlfriend pero hindi raw ito ipinaalam sa kanya. Pero ayon kay Akihiro, tatlong taon na siyang walang lovelife at wala naman daw sinasabi sa kanya ang last girlfriend kung nagbunga ba ang kanilang relasyon noon.
“Wala po, wala talaga. Kung meron, sinabi na niya sa akin, nag-uusap naman kami, at actually nag-usap kami this year. Kung sakaling meron nga handa naman akong panagutan ‘yun,” pahayag ng dating TV5 talent at produkto ng reality talent search na Artista Academy sa Kapatid Network.
Humarap sa entertainment press ang binata sa presscon ng pelikulang “Dito Lang Ako” kasama sina Jon Lucas, Michelle Vito, Freddie Webb at Ms. Boots Anson Roa under Blade Entertainment. Ayon kay Akihiro, isa ang “Dito Lang Ako” sa pinakamalaking break niya sa showbiz.
“Challenging yung role ko dito, kapag napanood n’yo ‘yung buong movie maaaliw kayo dahil ibang Aki naman ang makikita n’yo. Yung pagiging aktor ko, ginagawa ko na pong seryoso ngayon. Gusto kong mag-experiment at i-try lahat ng role,” chika pa ng binata na nagawa nang magpakita ng pwet sa indie movie na “Immaculada.”
Iikot ang kuwento ng “Dito Lang Ako” kay Nelia (Michelle), isang babaeng patuloy na naghihintay sa lalaking pinakamamahal niya, si Delfin (Jon), kahit 40 taon na ang nakalilipas. Siguradong maaantig ang inyong mga puso sa istorya nina Nelia at Delfin at kung paano nila ipinaglaban ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa.
Makakasama rin dito sina Rey PJ Abellana, DJ Durano, James Deakin, Garie Concepcion, Senpai
Kazu at Roadfill ng Moymoy Palaboy, sa direksyon ni Roderick Lindayag. Ito ang unang pagsabak ng Blade Entertainment sa pagpo-produce ng pelikula. Showing na ito sa Aug. 8 sa mga sinehan nationwide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.