Manila Water walang paki sa mga taga-San Mateo
NAGTATAKA ang ilang residente ng San Mateo, Rizal. Bakit daw ang hina ng tulo ng tubig sa gripo?
Ang San Mateo ay siniserbisyuhan ng Manila Water.
Mayroong ginagawa ang contractor ng Manila Water sa Gen. Luna st., na minsan ay nagiging sanhi ng pagsikip ng daloy ng trapiko kapag malalim na ang gabi hanggang sa madaling araw.
Ito ang nakikita nilang dahilan kung bakit mahina ang pressure ng tubig ng mga residente.
Bakit ba nanghuhula ang mga residente kung bakit mahina ang tulo ng tubig? Hindi kasi sila na-inform ng Manila Water kung ano na ang nangyayari.
Hindi maitatanggi na mahal na ang presyo ng mga bilihin ngayon. Kahit na ang mga ahensya ng gobyerno ay alam ito.
Kung noong panahon ni Pangulong Duterte ay nakaranas sila na P23 kada litro ang presyo ng diesel at meron pang mas mababa sa P20 kada litro sa isang independent oil players sa Rizal, ngayon ay pumalo na sa P45/litro ang diesel.
Kaya naman marami na ang umiiyak na driver, lalo na yung mga pamamasada ang ikinabubuhay.
Kung noong panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay ang mga transport group ang nagsasabi na ibaba ang presyo ng pasahe ngayon ay nananawagan sila ng malakihang pagtataas.
Nang bumaba si PNoy ang minimum na pasahe sa jeepney ay P7.
Noong Pebrero 2017, o bago mag-isang taon si Pangulong Duterte sa puwesto ay ibinalik ang pasahe sa P8.
At kamakailan lang ay inaprubahan din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang P1 provisional fare increase sa pasahe sa jeepney.
Nakadalawang-piso na pagtataas na at malamang-lamang daw na madagdagan pa dahil tuloy-tuloy pa rin naman ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
At alam n’yo naman kapag tumaas ang presyo ng produktong petrolyo, lahat ng bilihin tumataas din.
Siyempre, tumataas ang transportation cost na ipapasa naman sa mga konsumer.
Hindi naman kasing bilis ng pagtaas ng presyo ang pagtaas ng suweldo.
Kaya ang siste, si kawawang Juan magtitiis na lang ulit para mapagkasya ang kanyang suweldo, na kinakaltasan na ng mga naunang utang kaya halos wala ng natitira.
Hindi naman masisisi sa pangungutang dahil ginamit na pambayad sa matrikula ng mga anak.
Hay! Ang solusyon sa kumakalam na sikmura ni Juan ay magtiis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.