ABS-CBN napiling isa sa ‘Best Companies to Work For in Asia’
KINILALA ang ABS-CBN bilang isa sa mga “Best Companies to Work For in Asia” ng HR Asia, isang nangungunang magazine para sa mga human resources professional na pinaparangalan ang mga kumpanyang may magandang relasyon sa kanilang mga empleyado at mahusay na kultura sa pagtatrabaho.
“Pinatutunayan ng parangal na ito ang aming paniniwala na ang mga tao ang nagdadala ng tagumpay sa kumpanya,” sabi ni Archie Sabado, head ng human resources and organization development ng ABS-CBN sa ginanap na awarding sa Marriott Hotel kamakailan lang.
“Mahalaga ito dahil hindi lang ito katibayan na nasa tamang direksyon ang aming mga gawain sa organisasyon, natututo rin kami mula sa ibang kumpanya upang patuloy naming pagbutihan ang pag-aalaga sa aming mga Kapamilya,”aniya pa.
Higit 12 na iba’t ibang industriya sa Asya kasama ang Hong Kong, Singapore, Malaysia, at China ang sinusuri ng HR Asia para sa listahan ng “Best Companies to Work for in Asia.”
Ang Kapamilya network ang nag-iisang TV network sa Pilipinas na kasama sa listahan.
Pinipili ang mga panalo base sa working environment, HR practices, employee engagement, at job satisfaction, na ginagrado ng mga eksperto sa industriya, akademya, mga mamamahayag, at kinatawan ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.