Rayver tatapusin muna ang Bagani bago lumipat sa GMA; hindi itatambal kay Janine
SA mga loyalistang supporters ni Rayver Cruz ay huwag na kayong malungkot dahil tatapusin niya ang karakter niya bilang Kidlat sa epic seryeng Bagani na tatagal pa hanggang Agosto.
Yes, bossing Ervin hindi natuloy na patayin si Kidlat dahil nanghinayang sila sa karakter ni Rayver na isa sa poste ng programa.
Sabagay ito rin naman ang hiniling noon ng production head ng Entertainment Division na si Direk Lauren Dyogi nang magpaalam ang aktor na tapusin muna niya ang Bagani bago siya tuluyang pumirma sa GMA 7.
Ayon naman sa source namin ay magkakaroon ng pagbabago sa takbo ng journey ni Kidlat sa serye kaya ito ang dapat abangan.
Nasulat namin dito sa BANDERA kamakailan na baka patayin na si Kidlat sa Bagani dahil nahawakan niya ang punyal ni Sarimaw (Ryan Eigenmann) at magiging kampon na siya nito tulad ng nangyari kay Aiko Melendez bilang si Matadora. Pero nailigtas ni Gloria (Dimples Romana) si Kidlat.
Sabi pa ng aming source, mismong si Rayver na rin ang nagdesisyong tatapusin niya ang Bagani para maayos ang pag-alis niya sa Kapamilya network. Sobrang loyal ni Rayver sa ABS-CBN, imagine 17 years siyang nag-stay pero parang hindi siya nabigyan ng big break.
Pero napag-alaman namin na kahit nasa GMA na ang binata ay hindi naman sila pagtatambalin ng nali-link sa kanyang Kapuso actress na si Janine Gutierrez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.