Rain or Shine Elasto Painters nasiguro ang top spot
Mga Laro sa Hulyo 4
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. San Miguel Beer vs Blackwater
7 p.m. Magnolia vs NLEX
TULUYANG inangkin ng Rain or Shine Elasto Painters ang isa sa dalawang silya na may twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals Linggo ng gabi matapos nitong biguin sa overtime ang Meralco Bolts, 106-99, sa kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup game Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Mainit na nagsimula ang Elasto Painters matapos nitong itala ang 21-9 abante sa unang yugto bago kinailangan na pigilan sa extra period ang Bolts tungo sa pagsungkit sa ikaanim na sunod nitong panalo na nagsiguro sa koponan sa unang puwesto anuman ang mangyari sa ibang mga laro sa bitbit nitong 9-1 panalo-talong record.
Nagawa pa iangat ng Elasto Painters ang pinakamalaki nitong abante sa 18 puntos, 73-55, sa ikatlong yugto bago na lamang umahon ang Bolts na nagawang itabla ang laro sa natitirang 2:26 ng ikaapat na yugto sa iskor na 96-all tsaka tuluyang inangkin ang insentibo na dalawang beses tatalunin sa pagsiguro sa panalo sa dagdag na limang minuto.
Isang tres ni Reginald Johnson ang agad bumasag sa pagtatabla sa 99-96 na sinandigan ng Rain or Shine sa huling 10 puntos ng koponan sa overtime habang nilimitahan nito ang Bolts sa tatlong puntos lamang upang malasap nito ang ikalawang sunod na kabiguan na naghulog dito sa ikaapat na puwesto sa 7-4 panalo-talong record.
“This win is special,” sabi ni Johnson na nagtala ng 21 puntos, 18 rebound, 1 assist, 1 steal at 3 block para pamunuan ang Elasto Painters. “We have a great team and everybody step-up in this crucial game. They help a lot. I can make more points and rebounds but it will be nothing with the help of the other players. Best thing about is the support from the local players,” sabi ni Johnson.
Nagtala naman si Maverick Ahanmisi ng 20 puntos, 8 rebound at 6 assist habang tumulong din si Chris Tiu na nagdagdag ng 13 puntos, 4 rebound at 5 assist habang si Ed Daquiaog ay nag-ambag ng 11 puntos.
Samantala, pansamantalang magpapahinga ang liga sa ngayong linggo upang magbigay daan sa kampanya ng pambansang koponan na Gilas Pilipinas na nakatakdang sagupain ang Chinese Taipei sa Biyernes, Hunyo 29, sa Taipei Heping Basketball Gymnasium sa Taipei, Taiwan sa alas-7 ng gabi.
Sunod na makakasagupa ng Pilipinas ang Australia sa Lunes, Hulyo 2, sa ganap na alas-7:30 ng gabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Natalo ang mga Pinoy cagers sa kanilang unang paghaharap sa Australia.
Kasalukuyang nangunguna sa Group B ang Australia na may 4-0 panalo-talo kasunod ang Pilipinas na may 3-1 kartada at ikatlo ang Chinese-Taipei na may 1-3 record. Nasa hulihan ang Japan na may 0-4 karta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.