VALUES before skills.
Kagandahang-asal bago dunong.
Bago ituro ang kadunungan sa isang bata, dapat ay ituro muna sa kanya ang kagandahang-asal.
Nakalimutan na ng ating mga paaralan ang pagtuturo muna ng magandang asal bago ang kadunungan o tinatawag sa Ingles na “knowledge.”
Ang batang tinuruan ng kagandahang asal ay magiging matuwid at masunurin sa batas sa kanyang paglaki.
Ang isang matanda na gumagamit ng dunong upang makapanakit ng iba ay hindi naturuan ng magandang asal noong siya’y bata.
Gawin mo sa kapwa mo ang gusto mong gawin ng iba sa iyo.
Iyan ang tinatawag na Golden Rule.
Ito ang batayan ng lahat ng batas sa mundo. Ito ang dapat na itinuturo sa isang bata sa kanyang formative years (mga edad 4 hanggang 10 taon).
Dapat ay ipagdiinan ng eskwelahan ang Golden Rule sa mga estudyante nito, lalo’t pa sa mga musmos o yung mga bata na mura pa ang isipan.
Ang pagtuturo ng kagandahang asal ay hindi kinakailangang maging religion subject. Ang kinakailangan ay malaman ng isang bata ang tama sa mali.
Maraming hindi naniniwala sa Diyos o yung mga tinatawag na atheist na sumusunod sa batas at mabubuting tao at marami ring mga kriminal na mga relihiyoso.
Upang malaman ng isang bata ang kahalagahan ng paggalang sa pag-aari o karapatan ng ibang tao, dapat siguro ay ituro sa kanila ang karma.
Sinasabi ng karma, isang katagang Sanskrit, na kung ano ang ginawa mo sa iyong kapwa ay siya ring gagawin sa iyo.
Nakawan mo ang kapwa mo at nanakawan ka rin pagdating ng araw. Suntukin mo ang isang taong mahina sa iyo at susuntukin ka rin ng isang taong mas malakas sa iyo. Patayin mo ang iyong kapwa sa walang dahilan at papatayin ka rin pagdating ng araw. Ganyan ang karma.
Gawan mo ng mabuti ang iyong kapwa at may gagawa ng mabuti sa iyo. Ganyan ang karma.
Kapag itinuro ang karma sa mga kabataan, mas makikita nila ang kahalagahan ng paggalang at paggawa ng kabutihan sa kapwa.
Naturuan na ngayon si Noynoy Aquino kung ano ang karma.
Noong nasa kapangyarihan pa siya, pinahirapan niya ang nauna sa kanya na si Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinampahan ng mga kasong kriminal kaliwa’t kanan si Gloria sa pag-uutos ni Noynoy kuyakoy.
Paghihiganti ang ginawa ni Noynoy kay Gloria dahil sa ginawa ni Gloria nang ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga kasama. Ang Hacienda Luisita ay pag-aari ng mga pamilya Cojuangco at Aquino.
Ngayong wala na siya sa poder, nahaharap si Noynoy sa maraming kaso.
Ang ginawa niya kay Gloria ay ginagawa na rin sa kanya ngayon.
Ganyan ang karma.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.