NAPAKALAKI na nga ng ipinagkaiba ng mga seafarer ngayon kung ikukumpara noon.
Masaya ngang ibinahagi ni Captain Ronaldo Enrile, Vice President for Operations ng Philippine Transmarine Carriers ang pagiging wais at ismarte na ngayon ng ating mga seafarer. Lalong lalo na ang mga bata pa at nagsisimimula pa lamang sumakay ng barko.
Dati-rati, sabi ni Enrile, kapag dumarating ang isang marino, ang dami-dami nitong pinamili sa abroad at kailangan pang mag rent ng truck maiuwi lamang ang mga iyon.
Ubos ang lahat ng kinita. Bukod pa sa kaliwa’t kanang pakain at pagpapainom nito sa kaniyang pagdating.
Ang misis naman na tumatanggap ng allotment na 80percent, ubos-ubos din. Wala ring natitira dahil sa walang habas na paggasta nito. Naka- schedule ang pagpunta sa mall kasama ang mga anak, magulang at minsan mga kaibigan pa sa tuwing kukuha ng padala ni mister. Tuloy na itong magsa-shopping, manonood ng sine, kakain sa labas at kung anu-ano pa.
Pag-uwi ng bahay, malaki na ang nagastos niya at nabawasan agad ang padala ni mister. Palibahasa kabisado rin ng mga kaanak ang dating ng pera nito kung kaya’t hindi rin niya matanggihan kapag nauutangan o di kaya’y hinihingian.
Sa kabuuan, paulit- ulit na siklo na iyon sa buhay ng isang seafarer. At sa panahong magretiro na siya, lahat ng bagay na naipundar niya, maibebenta rin at magtatapos siyang walang-wala, na para bang hindi siya nakapagbarko. May mga kasong, ultimo sariling pamilya ay iniiwan ang isang seafarer dahil wala na siyang pera.
Ngayon, sabi ni Enrile, hindi na ganito ang profile ng isang seafarer.
Dumarating silang walang mga bitbit na pinamili at natuto nang pangasiwaan nang tama ang kanilang mga kinikita.
Unang-unang nagpupundar ng sariling bahay at lupa. Saka nila
isusunod ang pagtatayo ng maliit na negosyo hanggang sa mapalago nila iyon.
Sasabayan naman sila ng kanilang mga misis na kadalasang magaling ding humawak ng pera at siyang magpapatakbo ng negosyong itinayo ni mister habang patuloy namang nagbabarko ito.
At dahil dito, natutuwang tinuran ni Enrile na hindi na nagagamit sa pang araw-araw na gastusin ang allotment ng seafarer at ginagawa na nilang savings iyon upang ilaan sa panibagong mga proyekto o negosyo.
Dagdag ni Enrile, sa PTC may isang departamento silang inilaan upang bigyan ng tama at sapat na impormasyon sa mga usaping pinansiyal ang pamilyang seafarer.
Dahil dito, nagagabayan sila at nabi-
bigyan ng tamang direksiyon upang hindi mabalewa ang kanilang mga pinaghirapan.
Payo pa ni Enrile sa mga seafarer, huwag magpalipat-lipat ng kumpanya dahil tiyak namang mapapangalagaan at magagantimpalaan sila sa kanilang katapatan hanggang sa kanilang pagreretiro.
National Seafarers Day sa June 25 kung kaya’t binabati ng Bantay OCW, PTC at Angkla ang ating magigiting na marino saan mang sulok ng mundo sila naroroon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.