LIMANG kasapi ng Maute-ISIS group ang naiulat na napatay nang magsagawa ng opensiba ang mga tropa ng pamahalaan sa Tubaran, Lanao del Sur, nitong Linggo, ayon sa militar.
Nakasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang mga nalalabing kasapi ng Maute-ISIS, na pinamumunuan ngayon ni Owayda Benito Marohombsar alyas “Abu Dar,” sabi ni Col. Romeo Brawner, tagapagsalita ng Armed Forces Joint Task Force Ranao.
Unang nagsagawa ang militar ng airstrike, gamit ang mga OV-10 bomber planes at attack helicopters, sa Brgy. Wago, kung saan nagkuta ang aabot sa 40 terorista, ani Brawner.
“Tinamaan ‘yung encampment, kaya merong report na lima daw ang namatay sa kanila pero dahil kailangan ng body count so hindi pa natin matiyak, hindi natin masabi,” sabi ni Brawner nang kapanayamin ng mga reporter sa telepono.
Namataan din umano sa kampo si “Abu Dar,” na diumano’y humalili sa napatay na si Isnilon Hapilon, ang itinuring na “emir” ng ISIS Southeast Asia, ngunit wala pang balita kung siya’y tinamaan.
“Hindi pa natin masabi na kapalit ni Isnilon, but he’s among the 10 leaders na nagplano [ng Marawi siege], diba ‘yung video na nagpaplano, sampu ‘yung leaders na nandun, si Abu Dar na lang ang natirang buhay. Patay na ‘yung syam, so he is standing as the de facto leader, if we can put it that way. Pero walang recogntion na siya na ‘yung emir,” ani Brawner.
Kasunod ng airstrike ay pinaputukan ng kanyon ang kuta ng mga terorista hanggang tanghali, at ipinadala ang ground troops.
Patuloy pa ang pagtugis sa mga terorista Lunes, habang binabantayan at tnutulungan ng ibang kawal ang mga residenteng nagsilikas, ani Brawner.
Di bababa sa 723 pamilya, o mahigit 3,000 katao, ang naiulat na nagsilikas sa mga evacuation center sa mga bayan ng Tubaran at Pagayawan.
Sa isang kalatas, sinabi ni Brawner na ang opensiba sa Tubaran ay bahagi ng pangako ng AFP na habulin pa rin ang mga natitirang kasapi ng Maute-ISIS group kahit tapos na ang Marawi Seige.
“This was the result of months-long intelligence operations as well as the cooperation of the local government and the citizens,” aniya.
“We are asking the public to stay calm. The 103rd Infantry Brigade is making sure that the hostilities will not extend beyond the mountainous areas of Tubaran and Pagayawan,” sabi pa ni Brawner.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.