SINABI ng Palasyo na nais ni Pangulong Duterte na hindi na sa Norway kundi sa Pilipinas gagawin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng National Democratic Front (NDF).
Sa isang press briefing, idinagdag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na inaasahan namang masisimulan ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines (CPP) sa Hulyo.
“But the President is dead serious about it. He has already asked the Department of Justice to file the necessary motions in Court to set free individuals who will be participating in the talks and I think that is the best evidence of good faith on the part of the government,” sabi ni Roque.
Idinagdag ni Roque na hindi naman mahanap ang ilang mga miyembro ng NDF panel matapos namang pumunta sa Oslo, Norway para lumahok sa nakaraang usapang pangkapayapaan.
“But nonetheless the President says he will give the process a chance which I declared as of the last Press Briefing that we had,” ayon pa kay Roque.
Idinagdag ni Roque na nauna nang tiniyak ni Duterte ang seguridad ni CPP founding chairman Jose Maria Sison sakaling pumayag na umuwi ng bansa para makalahok sa usapang pangkapayapaan.
“Hindi naman po kinakailangan pa na mangibang bayan para makipag-usap ng kapayapaan lamang ‘no, dahil tayo naman pong lahat ay Pilipino at paulit-ulit pong ginagarantihan ng ating Pangulo iyong seguridad ni Joma Sison kung siya po ay uuwi at paulit-ulit niyang sinasabi, sagot pa niya ang lahat ng gastos nila habang sila ay naririto sa Pilipinas,” sabi pa ni Roque.
Nauna nang ipinagpaliban ni Duterte ang pagsisimula ng usapang pangkapayapaan na magsisimula sana noong Hunyo 23 para bigyang daan ang konsultasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending