GUSTO mo bang pumayat, huwag ka magpuyat.
Ayon sa isang research sa Estados Unidos ang kakulangan ng tulog o pagpupuyat ay nagpapataas ng tyansa na maging obese o diabetic ang isang tao.
Ito ay dahil ang pagpupuyat ay nagpa-pataas ng pagkatakam sa mga junk food at pagkain ng disoras ng gabi na kalimitang hindi na nasusunog ng katawan.
Isinagawa ang pag-aaral sa University of Arizona batay sa isinagawang phone-based survey kung saan 3,105 ang respondent mula sa 23 metropolitan area.
Tinanong ang mga kalahok tungkol sa kalidad ng kanilang pagtulog at problema sa kalusugan, kung regular ang pagkain nila matapos ang hapunan at kung natatakam ba sila sa mga junk food kung sila ay kulang sa tulog.
Sa pagtataya ng mga researcher, 60 porsyento ng mga tinanong ang nagsabi na sila ay regular na kumakain ng snack ma-tapos ang hapunan kapag nagpupuyat. At dalawa sa bawat tatlo ang nagsabi sila ay natatakam sa junk food kapag kulang sa tulog.
Ang pagkatakam sa junk food ay nagpapadoble naman sa tyansa na mag-nighttime snack ang isang puyat na nagpapataas ng tyansa na siya ay maging diabetic.
Ang mga respondent na mayroong junk food craving ay mayroon namang problema sa kalusugan katulad ng diabetes at obesity.
Patunay umano ito na mayroong kaugnayan ang kakulangan sa pagtulog sa obesity.
Sinabi ng may-akda ng pag-aaral na si Michael A. Grandner na maaaring mayroon ding kaugnayan ang metabolism ng tao sa tulog.
Sa isang kaparehong pag-aaral sa United Kingdom, lumalabas na ang pagpupuyat ay nagreresulta sa pagtaba o paglapad ng bewang.
Ang mga natutulog lamang ng anim na oras kada gabi ay nagkakaroon ng dagdag na tatlong sentimetro o higit pa sa kanilang waistline kumpara sa mga tao na siyam na oras ang tulog.
Sa isa pang pag-aaral sa UK, lumalabas na ang mga bata at teenager na kulang ang oras ng tulog ay may mas malaking tyansa na maging obese.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.