MARAMI nang nakikanta sa hit song na “Titibo-tibo” na pinasikat ni Moira dela Torre, pero ano ba talaga ang kwento sa likod ng Himig Handog-winning song na ito?
Alamin ang kwento ng composer ng naturang kanta na si Libertine “Tin” Amistoso, na bibigyang-buhay ni Maris Racal, ngayong Sabado sa Maalaala Mo Kaya.
Bago pa man maging ganap na dalaga ay lesbian na ang pagkakakilala ni Tin sa kanyang sarili dahil sa pagkakagusto niya sa kapwa-babae. Naranasan na niyang makipagrelasyon sa iba’t ibang babae, hanggang sa nakilala niya ang unang nobyo na si Andrew (Neil Coleta) nang siya ay 18 taong gulang.
Apat na taon ding nagtagal ang kanilang pagsasama. Pagkatapos nito ay nagpasya si Tin na huwag muna pumasok sa anumang relasyon.
Ngunit, tila kakainin niya agad ang kanyang sinabi dahil dumating sa buhay niya ang mahangin at chick boy na si Boom (Jameson Blake). Siya na ba ang lalaking nagpatibok sa pusong titibo-tibo ni Tin?
Kasama rin sa episode na ito sina Mutya Orquia, Sonjia Mejia, Mica Javier, Chienna Filomeno, Rochelle Barameda, Mitoy Yonting, Jimboy Martin at Pamu Pamurada.
Ito’y sa direksyon ni Raz dela Torre at sa panulat ni Mae Rose Balanay. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head na si Roda dela Cerna. Panoorin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK, tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.