Palasyo tiniyak na prayoridad ang pagresolba sa pagpatay sa pari sa Nueva Ecija
KINONDENA ng Malacanang ang nangyaring pagpatay sa isang pari habang nagmimisa sa loob ng isang kapilya sa Zaragoza, Nueva Ecija, Linggo ng gabi.
Sa isang briefing, tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na prayoridad ng gobyerno na matukoy at mahuli ang mga nasa likod ng pagpatay kay Fr. Richmond Nilo, kura ng San Vicente Ferrer Parish.
“Kinokondena po natin iyang pagpatay dito sa pari na taga Nueva Ecija. Talaga pong bibigyan natin ng prayoridad ang pag-iimbestiga nang pagkapatay kay Father at nababahala po ang gobyerno dahil gaya ng pagpatay sa isang mamamahayag, kapag pinatay mo ang isang pari eh nilalabag mo hindi lang ang karapatang mabuhay kung hindi iyong karapatan din ng malayang pananampalataya,” sabi ni Roque.
Kasabay nito, itinanggi ni Roque na nakaapekto ang pagbanat ni Pangulong Duterte sa Simbahan sa sunod-sunod na pagpatay sa mga pari.
“Hindi naman po ‘no. I don’t think there is any empirical basis for that ‘no. Ang masasabi ko lang po itong kultura ng impunity ay naririyan na po bago pa pumasok ang ating Presidente,” giit ni Roque.
Idinagdag ni Roque na pinag-aaralan na kung kailangan ang pagbuo ng isang task force kaugnay ng mga pagpatay sa mga pari.
“So, itong pagpatay po ng mga kaparian titingnan po natin kung kinakailangan pa ng Special Task Force… Pero as Presidential Adviser of Human Rights, we will give this top priority po. And I will have a special conference with General Albayalde, just to follow up the investigation of this case,” ayon pa kay Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.