NAPATAY ang isang konsehal at barangay kagawad, na kapwa kasama sa “narco-list” ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa magkasabay na raid sa Kiamba, Sarangani, Biyernes ng umaga, ayon sa pulisya.
Nasawi sina Ronilo Mamaclay, konsehal ng Kiamba, at Frederick Orobia, kagawad ng Brgy. Poblacion, sabi ni Supt. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Sinalakay ng mga miyembro ng Regional Drug Enforcement Unit, Regional Mobile Force Battalion, Provincial Mobile Force Company, at Kiamba Police ang bahay ng dalawang opisyal sa Brgy. Poblacion, dakong alas-3.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng apat na search warrant para sa mga kasong may kinalaman sa droga at umano’y paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Law, ani Gonzales.
Nang magpakilala ang mga operatiba at mag-anunsyo ng raid sa bahay ni Mamaclay, namataang nanakbo sa loob ng bahay ang konsehal, ani Gonzales.
Kasunod noo’y agad sinalakay ng mga operatiba ang bahay dahil sa pangambang kukuha ng armas o sisirain ng suspek ang mga kontrabandong target ng raid, ngunit pinaputukan sila ni Mamaclay, ani Gonzales.
Naganap ang isang maikling palitan ng putok, at sa una’y nasugatan si Mamaclay. Dinala pa ang konsehal sa pinakamalapit na ospital, ngunit di na umabot nang buhay.
Sa inisyal na tala ng raiding team, isang kalibre-.45 pistola ang natagpuan sa bahay ng konsehal, ani Gonzales.
Kasabay nito, sinalakay ng isa pang team ng mga pulis ang bahay ni Orobia.
Saglit na binuksan ni Orobia ang kanyang pinto, ngunit bigla itong isinara nang makita ang mga operatiba, ani Gonzales.
Nagpaputok ng baril si Orobia nang pumasok sa bahay ang raiding team, kaya gumanti ang mga pulis, aniya.
Dinala rin sa pagamutan ang kagawad, ngunit di na umabot nang buhay.
Nakatagpo ng isang kalibre-.38 revolver sa bahay ni Orobia.
Kapwa kasama sina Mamaclay at Orobia sa mga narco-list ni Pangulong Duterte at ng Philippine Drug Enforcement Agency, kung saan sila’y itinuturing na “level 3” at “level 2” high value target, para sa umano’y pagiging protektor ng mga drug suspect, ani Gonzales.
Kabilang din ang dalawa sa listahan ng Regional Drug Enforcement Unit ng high value targets na sangkot sa iligal na droga, aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.