Sino ang managot sa batas na di ipinatutupad?
MAY tanong ang isang miron, pwede raw bang kasuhan ang mga local government unit na hindi nagpapatupad ng batas na inaprubahan ng Kongreso at pinirmahan ng Pangulo?
Naging ganap na batas na raw kasi ang Motorcycle Helmet Act of 2009 (RA 10054), pero marami pa rin siyang nakikitang nagmamaneho at naka-angkas sa motorsiklo nang walang suot na helmet.
Malinaw raw na nakasaad sa Section 3 na lahat ng motorcycle rider ay dapat nakasuot ng helmet, maikli man o mahaba ang kanyang biyahe at saan pang uri ng kalsada. (May batas rin na dalawa lang dapat ang sakay ng motorsiklo).
Nakalagay pa roon na dapat ay pasado ang kalidad ng helmet sa pamantayan ng Department of Trade and Industry.
Para malaman kung pasado ang binibiling helmet dapat ito ay mayroong PS (Philippine Standard) o ICC (International Classification for Standard) sticker.
Sa Section 4 ay nakalagay na ang exempted sa pagsusuot ng helmet ay ang mga motorsiklo na nilagyan ng sidecar aka tricycle.
Ayon sa Section 7, ang mga tao na sasakay ng motorsiklo nang walang helmet ay magmumulta ng P1,500 para sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawa at P5,000 sa ikatlo.
Sa mga susunod na paglabag ay P10,000 multa at kukumpiskahin na ang lisensya sa pagmamaneho.
Andami-dami umanong nakikita ng ating miron na lumalabag sa batas na ito at dinadaan-daanan lamang ang mga traffic enforcer.
Siguro naman alam ng mga traffic enforcer ang batas, di ba? At ang mga lokal na pamahalaan naman ang boss ng mga local traffic enforcer.
Kaya ang tanong ng miron, pwede bang ireklamo sa Ombudsman o Department of Interior and Local Government ang mga LGU na hindi ipinatutupad ang Motorcycle Helmet Act?
Pinaghahandaan na ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Duterte na gagawin sa Hulyo 23. Nakalahati na niya ang anim na SONA ng isang presidente.
Kaya magtatanungan na naman kung anu-ano na ba sa mga pangako ng Pangulo ang kanyang natupad.
At may mga magtatanong din sa kanilang mga sarili, gumanda na ba ang buhay nila mula nang maupo si Duterte?
Sila ang makasasagot ng mga tanong na ito lalo at marami ang nagrereklamo ngayon dahil sa mahal ng produktong petrolyo na sinundan ng pagtataas ng lahat ng binibili ng ordinaryong Pinoy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.