‘Endo’ companies, DOLE at ang mabagal na Senado
SA kauna-unahang pagkakataon, ibinalandra sa media ang 20 malalaking kumpanya na ayaw i-regular ang kanilang mga “core employees”.
Pambihira ito dahil alam niNyo naman kung gaano sila kaimpluwensya.
Nasa listahan ang Jollibee, PLDT, DOLE Philippines, Philippine Airlines/PAL express, Magnolia, Century Tuna, Franklin Baker at iba pa na merong higit 80,000 apektadong “endo workers”.
Ayon Kay Labor Sec. Bebot Bello, hindi sinama sa listahan ang SM dahil meron silang “voluntary regularization program” ng mahigit 10,000 manggagawa hanggang Dec. 31.
Ang McDonalds ay nagsabi na wala silang contractual na empleado at sa simula pa lang ay puro sila direct hiring. Ang Burger King ay inatasan ding i-regular ang 704 workers nito.
Merong sinasabi si Bello na kasama rin ang Generics Pharmacy, Sofitel, Dusit Thani hotels, ilang media networks sa 3,337 companies na natuklasan nilang gumagamit ng ipinagbabawal na “labor only contracting” at “illegal sub-contracting”.
Ayon pa sa DOLE, 24,000 sa kabuuang 900,000 companies sa buong bansa ang na-inspeksyon na ng 570 labor-compliant officers.
Kung idaragdag ang 80,000 ng Big 20 companies sa 176,286 workers na na-regular sa ilalim ng kanilang “intensified labor enforcement system” , ito’y halos 20 percent na ng ng kabuuang 1.3 milyong endo workers sa buong bansa.
Inaasahan ng DOLE pag natapos ang 2018, meron ng 300,000 ang magiging regular. Malaking bagay talaga na ipinagbawal ang mga agency o mga labor contracting only companies na pinagkukunan ng “outsource” employees ng mga kumpanya.
Bawal na rin ang paulit-ulit na hiring ng mga empleyado sa maigsing panahon. Kapag ang trabaho ng empleyado ay kasama sa “core business” ng kumpanya, dapat siyang ma-regular sa kumpanya at hindi sa ahensya.
Halimbawa, ang mga kahera, bagger, matadero, bodegero sa mga supermarkets ay dapat maregular na. Iyong mga sales ladies ng mga damit sa mga malls ay dapat i-regular ng kumpanya ng ibinebenta nilang produkto.
Maliwanag na maliwanag ang EO 51 at DOLE department order 714 tungkol dito. Pero, merong malaking hadlang pa rin ang Labor Code at Obligagions and Contracts law at ito’y na gumagarantiya sa mga “temporary employment contracts”.
Ito ang laging depensa ng mga employers sa kanilang mga “seasonal workers”. Gayunman, meron na ring aksyon ang gobyerno at noong Enero 29, ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa sa botohang 199-7 ang House bill 6908 o “Security of Tenure bill”.
Ayon sa panukala ang mga “project at seasonal employees” kasama ng mga relievers ay dapat parehas din ang obligasyon at benepisyo ng kumpanya sa kanila.
Kayat ang bola ay nasa Senate Bill 1826 na dinidinig ng Senate committee on labor sa pangunguna ni Senator Joel Villanueva sa nakalipas na apat na buwan.
Nitong Mayo 30, inilabas niya ang Senate committee report kung saan sinasabi niyang papayagan at ire-regular na rin daw ang mga seasonal at project employees.
Nangako siyang isusulong ito sa plenaryo matapos ang pagbabalik ng sesyon sa Hulyo. Sa isyung ito na higit apat na buwan, naniniwala ako na tama si House Speaker Pantaleon Alvarez na nagsabing ang Senado nga ang “Mabagal na kapulungan ng Kongreso. Hoy, gising!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.