TULAD ng mga international stars na sina Selena Gomez at Lady Gaga, matindi rin ang pinagdaanan ni Diwa Rep. Emmeline Aglipay-Villar dahil sa sakit na lupus.
Sa launching ng kanyang librong “Lupus, Kayang-Kaya Ko ‘To,” ikinuwento ng kongresista kung paano niya hinarap at nilabanan ang naturang sakit at kung paano nito nabago ang mga pananaw niya sa buhay.
Ayon kay Cong. Emmeline na siya ring founder ng Hope for Lupus Foundation, ang nasabing libro ay magkakatulong nilang isinulat nina Dr. Angeline Magbitang-Santiago, Dr. Evelyn Osio-Salido at Dr. Geraldine Zamora-Racaza.
At bilang bahagi ng kanilang foundation, inilabas nila ang “Lupus, Kayang-Kaya Ko ‘To,” na libre nilang ipamimigay para magkaroon ng sapat na kaalaman ang lahat ng pamilyang Pinoy tungkol sa lupus.
Naging emosyonal ang misis ni DPWH Sec. Mark Villar sa ginanap na book launch nang humarap sa ilang miyembro ng entertainment media. Panimulang mensahe niya, “Minsan, iniisip ko, parang hindi ko na kaya, pero iniisip ko lang na napakaraming tao na umaasa sa akin kaya kailangan natin na tatagan ang mga loob natin.
“Araw-araw, kailangan natin na kayanin, hindi lang para sa ating sarili kundi para sa mga minamahal natin. Marami ang nagsasabi sa akin na mukhang wala akong sakit dahil ang lupus, ang sakit na ‘to, yung pamamaga sa loob ng katawan kaya hindi nakikita ang mga nararanasan, ang mga pinagdaraanan namin,” pahayag ng kongresista.
Pagpapatuloy pa niya, “Oo, mahirap ang sakit natin, pero hindi ibig sabihin na magpapatalo tayo sa Lupus. Nu’ng ma-diagnose ako na may lupus, sinabi ng doktor ko na hindi na ako magkakaroon ng anak, sabi niya bawal. Kung pipilitin ko raw na magkaanak, ikamamatay ko pa.
“Ngayon, may anak na ako. Maling-mali siya sa sinabi niya na imposibleng magkaroon ako ng anak at ikamamatay ko. Kung alam lang niya na nang dahil sa anak kong si Emma, hindi ko yun ikinamatay, ito pa ang nagbigay sa akin ng buhay. Si Emma ang nagbibigay lakas sa aking katawan at kalooban.
“Siya ang dahilan kaya nalampasan ko ang lahat ng paghihirap at mga pinagdaraanan ko sa buhay. Siyempre, isipin natin ang ating Diyos na walang hangganan ang pagmamahal at pagmamalasakit sa atin,” ang mensahe pa ni Cong. Emmeline.
Sinuportahan din ni Sec. Villar ang kanyang asawa sa ginanap na launching ng “Lupus, Kayang-Kaya Ko ‘To” kasama ang amang si dating Sen. Manny Villar at si Health Sec. Francisco Duque III na 100 percent ang suportang ibinibigay sa Hope for Lupus Foundation.
Marami ring lupus patients na tinutulungan nina Cong. Emmeline ang dumalo sa nasabing event para na patuloy pa ring nakikipaglaban sa kanilang sakit.
Ang librong “Lupus, Kayang-Kaya Ko ‘To” ay available for free sa lahat ng health centers at government hospital all over the Philippines. Ito’y mababasa sa Tagalog at mas maraming litrato at illustrations para mas maintindihan ng masang Pinoy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.