DAHIL halos patapos na ang tag-init at nalalapit na rin ang tag-ulan, kailangang paghandaan ito para makaiwas sa mga sakit na uso tuwing ganoong panahon gaya ng Influenza, Leptospirosis at Dengue.
Influenza
Ang Influenza ay mas kilala bilang flu o trangkaso.
Ito ay isang sakit kung saan namamaga ang baga, daluyan ng hangin at skeletal system kaya mabigat ang pakiramdam ng taong tinatamaan nito.
Sa mga taong malakas ang immune system, sandali lamang ang itinatagal ng sakit na ito at kaila-ngan lamang ng ibayong pahinga, madalas na pag-inom ng tubig, at pag-inom ng gamot.
Pero sa mga mahina ang immune system, ang aatakehin ng trangkaso ay ang puso kaya magkakaroon ng pamamaga na tinatawag na viral myocarditis. Kung mapapabayaan ay maaari itong magresulta sa hirap ng paghinga, at pakiramdam na nalulunod.
Ang utak ay maaari ring maapektuhan at magresulta sameningo-encephalitis.
Ang Influenza ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng pagbahing o pag-ubo kaya mag-ingat sa paghawak sa mga gamit ng mga taong may sakit na ito.
Dito rin pumapasok ang kahalagahan ng pagiging malinis sa katawan at paghuhugas ng kamay.
Leptospirosis
Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na sanhi ng leptospirosis o spirochetes, na nakukuha sa ihi at dumi ng daga.
Madalas itong makuha sa pamamagitan ng paglusong sa kontaminadong tubig baha.
Ang spirochetes ay maaaring makapasok sa loob ng katawan sa pamamagitan ng sugat sa balat. Maaari rin itong makapasok kung malalagay sa mata, ilong at bibig. Posible rin na mahalo ito sa pagkain o inumin.
Nakararamdam ng sintomas ng sakit ng mga ito pito hanggang 14 na araw matapos na makapasok sa katawan. Ang mga sintomas nito ay katulad ng karaniwang trangkaso.
Ang leptospirosis ay makakaapekto sa utak, atay, at bato ng tao. May mga tao na nagkakaroon ng kidney failure kaya kaila-ngang i-dialysis.
Ang komplikasyon naman sa atay ay ang paninilaw ng balat at maitim na ihe.
Dengue
Makikita kung mayroong dengue ang isang tao sa pamama-gitan ng pagsuri sa dugo nito. Ang taong may dengue ay may mababang platelets, na siyang gumagawa ng paraan upang maampat ang pagdurugo.
Iba’t iba ang lebel ng pangga-gamot sa taong may dengue. Mayroong mga pasyente na hindi kailangang ma-confine at pinapauwi ng doktor sa bahay upang doon na lamang magpahinga.
Ilan sa mga babala ng katawan na mayroong dengue ay pagkakaroon ng abdominal pain, pagsusuka, pagdurugo ng ilong, pagkapagod ng katawan kahit walang ginagawa, pagtaas ng hematocrit level at pagbaba ng platelet.
Ang malalang dengue ay nag-reresulta naman sa labis na pagdurugo, pagtagas ng plasma, pagkasira ng atay na nagreresulta sa pagtaas ng liver enzymes (SGPT at SGOT).
Para malayo sa dengue ay dapat walang mapamugaran ang lamok sa ating kapaligiran.
Simpleng paraan para iwas-WILD
AYON sa Department of Health, “WILD” ang mga sakit na maaaring makuha kapag tag-ulan. Ito ang Water-borne diseases, influenza, leptospirosis at dengue.
Ang WILD ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng simpleng mga paraan ayon sa DOH.
1. Pakuluan ang tubig na iinuman kung hindi ito bottled water.
2. Ugaliin ang paghuhugas ng kamay lalo na bago kumain at kung galing sa banyo.
3. Magsuot ng bota kung kakailanganin na lumusong sa baha. Kung lumusong sa baha ay tiyakin na mahuhugasan ng mabuti ang mga paa.
4. Huwag mamalagi sa mga mataong lugar.
5. Panatiling malinis ang paligid para hindi pamugaran ng
lamok.
6. Palakasin ang katawan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng angkop na pahinga at pagkain ng tama.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.