ARESTADO ang isang lalaki nang makuhaan ng P2 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa raid sa Lipa City, Batangas, Lunes ng umaga.
Naaresto si Marcial Orbigoso, isang dating big time supplier ng droga sa Makati City at ilang beses nang nakulong para sa iba-ibang kaso, sabi ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, direktor ng Calabarzon regional police.
Isinagawa ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit ang raid sa Purok 6, Brgy. Pangao, dakong alas-5, sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Nakuhaan si Orbigoso ng kalibre-.45 pistola na may isang magazine at pitong bala, pero sa paghahalughog sa bahay ay natagpuan ang hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Nakumpiska ang dalawang malaki at 12 medium-sized sachet na may aabot sa 300 gramo ng hinihinalang shabu, isang timbangan, dalawang rolyo ng aluminum foil, at isang bungkos ng mga sachet, ani Eleazar.
Sa tala ng pulisya, napag-alaman na si Orbigoso, kilala rin sa alyas na “Tan-Tan,” ay dating kabilang sa malalaking supplier ng droga sa Guadalupe Viejo, Makati.
Nakulong siya sa Makati City Jail mula 2003 hanggang 2009 para sa frustrated homicide, at naditine sa selda ng Southern Police District mula 2013 hanggang 2015 para naman sa kasong may kinalaman sa droga.
Sa pagtatanong, inilahad ni Orbigoso na matapos siyang palayain noong 2015 ay ginamit siya ng ilang tiwaling pulis bilang “asset” sa kanilang mga iligal na gawain, ani Eleazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending