BALIK-PRIMETIME ang award-winning Kapuso actress na si Barbie Forteza sa pagsisimula ng pinakabagong GMA series na Inday Will Always Love You ngayong gabi.
Mula sa GMA News & Public Affairs, tampok sa bagong romcom serye na ito ang kakaibang ganda at mayamang kultura ng Queen City of the South, ang Cebu. At sa pagsunod sa pakikipagsapalaran ni Happylou Magtibay (Barbie), ipakikita rin sa ‘Inday Will Always Love You ang iba’t ibang kuwento ng mga Cebuano at mga Manileño.
Masayahin at napakapositibo ng lechon store assistant na si Inday Happylou. Ngunit mistulang mababaliktad ang kanyang mundo nang kailanganin niyang umalis ng Maynila upang hanapin ang ama sa Cebu.
“Wala akong maisip na iba pang comeback na show kasi talagang binigyan ito ng effort. Teasers pa lang, kita n’yo na agad yung visuals, yung story relatable talaga.
“And natutuwa ako kasi kapag nagpo-post ako ng teasers, yung mga Cebuano ang nagko-comment kasi nandu’n sila mismo. Sobrang excited sila. Nakakatuwa kasi parang ililibot namin lahat ng viewers sa Cebu,” ani Barbie.
Makakatambal ni Barbie rito ang Kapuso heartthrob na si Derrick Monasterio bilang si Patrick, isang mayaman na binatang Cebuano at si Juancho Trivino bilang Ernest, ang matalik na kaibigan ni Inday.
Ka-join din sa Inday Will Always Love You’ sina Ricky Davao, Manilyn Reynes, Nova Villa, Gladys Reyes, Tina Paner, Kim Rodriguez, Super Tekla at ang “Lumen Twins” sa isang detergent soap commercial na sina Charisse at Charlotte Hermoso.
Sa direksyon nina Monti Parungao at Rember Gelera, magsisimula na tonight ang journey ni Happylou sa Inday Will Always Love You mula Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad.
Samantala, happy pa rin ang lovelife ni Barbie ngayon pero siyempre, priority pa rin nila ng kanyang boyfriend na si Jak Roberto ang kanilang mga career.
In fairness, parehong swerte sa lovelife at career sina Barbie at Jak kaya naman marami ang natutuwa para sa kanila. Kung may bagong primetime serye si Barbie umaariba naman sa hapon si Jak sa Afternoon Prime hit series na Contessa with Glaiza de Castro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.