Veteran actress nawalan ng trabaho matapos magtaas-singil sa talent fee
MARAMING nagtatanong kung bakit bihira nang mapanood ngayon sa mga serye ang isang beteranong aktres na kung pag-arte ang pag-uusapan ay wala nang kuwestiyon.
Magaling siyang umarte, bigay na bigay, kaya hindi sayang ang tinatanggap niyang talent fee.
Meron man siyang kakaibang trip sa linya ng pagtatrabaho, kapag take na ay hinuhubad niyang lahat ‘yun, nakapokus na lang siya sa hinihinging pag-arte sa kanya ng direktor.
Pero bakit nga ba hindi na siya masyadong napapanood ngayon? Nagdesisyon na ba siyang huminto dahil sa kanyang edad?
Kuwento ng isang source, “Nagkaproblema kasi sa talent fee niya. Sobrang taas na ng hinihingi niya ngayon, halos doble na ng dating TF niya. E, hindi ba, instead na taasan, e, bumaba pa nga ang talent fee ng mga artista ng network na pinagtatrabahuhan niya?
“Hindi na rin naman siya lugi dahil tumatatlong araw ang taping nila every week, di ba? Per taping naman ang TF niya, kaya hindi na rin makaaapekto sa kanya kung dating tinatanggap niya ang ibibigay rin sa kanya ngayon.
“Pero hindi siya pumayag. Tumataas na raw ang lahat ng mga bilihin ngayon, kaya ang gusto niya, e, mas malaki na kesa sa dating TF niya ang makuha niya!” simulang kuwento ng aming impormante.
Hindi siya naging kakulangan sa mga serye dahil maraming kaedad niya ang nangangailangan ng trabaho sa mas mababang fee pa, kaya okey lang na wala siya.
Isang araw ay biglang kumambiyo ang magaling na aktres, nagpadala siya ng mensahe sa isang production staff na okey na raw sa kanya ang talent fee na inialok sa kanya, handa na raw siyang magtrabaho.
“Pero kumpleto na ang casting ng serye, alangan namang tanggalin pa ang mga pumayag na para lang siya pagbigyan, kalokohan naman ‘yun!
“Kaya hindi rin siya natuloy, wala na siyang paglalagyan, meron nang mga nakuhang veteran stars ang network,” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, sayang naman ang pagkakataon, idolo n’yo pa naman ang beteranang aktres na ito na napakagaling sa drama.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.