Kilalang female celeb maraming hugot sa buhay pero ayaw mag-ingay sa social media | Bandera

Kilalang female celeb maraming hugot sa buhay pero ayaw mag-ingay sa social media

Cristy Fermin - May 12, 2018 - 12:15 AM


MAGANDANG humawak ng relasyon ang isang kilalang aktres. Maraming sumasaludo sa kanya dahil hindi niya isinasali ang publiko sa kanyang pakikipagrelasyon. Hindi perpekto ang buhay may asawa niya pero walang nakakaalam kung anu-ano ang kanilang pinagdadaanan ng kanyang mister.

Hindi nawawalan ng trabaho ang pamosong aktres, hindi man siya ang bumibida sa mga serye at pelikulang ginagawa niya ay importante ‘yun sa takbo ng istorya, mahalaga ang kanyang papel sa proyekto.

Kuwento ng aming source, “And to think na hindi ganu’n katibay ang foundation ng pagkabata niya, ha? Lumaki siya sa yaya, bihira lang silang magkita ng mommy niya, pero maganda ang disiplina niya sa buhay.

“Marunong siyang mamuhay, magkatulong silang mag-asawa sa pagpapalaki sa mga anak nila nang wala silang inaabala, wala silang tinatapakan, tahimik ang buhay nila.

“Lahat ng klase ng work, basta legal, pinapasok niya. Wala siyang kapaguran sa pagtatrabaho dahil ayaw niyang pagdaanan ng mga anak niya ang nangyari sa kanya.

“Hindi siya palaasa sa ibang tao, work-to-death talaga siya, kahanga-hanga ang babaeng ‘yun, sa totoo lang,” papuri pa sa aktres ng aming impormante.

Isang aspetong kasalu-saludo rin sa aktres na ito ang hindi niya paglalantad ng kanyang personal na buhay sa publiko. Hindi siya natutulog sa harapan ng mga gadgets, piling-pili lang ang mga ipino-post niya, kaya wala rin siyang bashers.

Patuloy ng aming source, “Kung gusto lang niyang magpakontrobersiyal, e, ang dami-dami niyang puwedeng ilabas. Makulay ang buhay niya, marami siyang puwedeng gawing rebelasyon, pero hindi niya ‘yun ginagawa.

“Marunong siyang tumanaw ng utang na loob sa mga taong nagbigay ng pagpapahalaga sa kanya, lalo na sa mommy niya, kahit pa maraming naganap na kuwento nu’ng kanyang kabataan na hindi nila pinagkakasunduan.

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, ang dali-daling hulaan kung sino siya, takot ako, e!” pagtatapos ng aming source.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending