Sylvia Sanchez nakaka-relate sa ‘depresyon’ nina Sarah at Vice
IN-ADVANCE na ng aktres na si Sylvia Sanchez ang personal na pagbati nito ng “Happy Mother’s Day” sa nanay niyang si Gng. Rosyline Campo.
Umuwi sa Nasipit, Agusan del Norte nitong nakaraang linggo ang aktres kasama ang bunsong anak na si Xavi para dalawin ang ina at mga kaanak. “Dinalaw ko mama ko, kasama si Xavi para mabisita na rin niya ang lola niya,” sabi sa amin ni Ibyang.
Nag-post ang aktres ng litratong magkakasama silang pamilya sa bahay nila sa Nasipit na may caption na: “Ang saya-saya ng umaga ko. Plano kong anong gagawin buong araw kwentuhan at halakhakan ang sarap pakinggan ito ang tunay na simpleng kaligayahan. #thankuLORD #mygreatestloves #priceless #happyandcontent.”
Samantala, pagdating ng Maynila ay panay pa rin ang bonding nina Ibyang at Xavi, bumabawi lang ang aktres sa bunsong anak dahil nga sobrang busy niya nitong mga nakaraang buwan sa taping ng kanyang teleseryeng Hanggang Saan at iba pang mga out of town commitments.
“Hayun, dalawang beses ko siyang sinamahang manood ng Avengers at dalawang beses din siyang iyak nang iyak, sabi niya, ‘They killed my heroes.’ Kasi di ba, namatay si Captain America (Chris Evans), namatay din si Iron Man (Robert Downey, Jr.) kaya iyak nang iyak si Xavi,” natatawang kuwento ng aktres.
Tinanong namin kung anong masasabi niya sa pelikulang kumita ng mahigit isang bilyong piso rito sa Pilipinas, “E, maganda naman talaga at magastos kaya talagang pinanood ng tao at hindi lang isang beses, kasi kami nga dalawang beses nanood, ilang kami 15 tapos ‘yung una, 10 kami.
“O, magkano na ‘yun, kami pa lang ‘yun, paano pa ‘yung ibang mga taong nanood na maraming kasama rin,” sagot ng aktres.
Kaya hindi rin niya masisisi kung bakit ang mga pelikulang sumabay sa “Avengers: Infinity War” local man o foreign ay hindi masyadong tinao kaya umaasa si Ibyang na sana’y gumawa ng maraming magagandang pelikula ang producers/filmmakers natin para panoorin din ng mga tao.
***
Sa mga nangyayaring kaganapan ngayon sa showbiz, lalo na ang nauuso ngayong “burnout” sa mga sikat na artista tulad nina Sarah Geronimo (nag-breakdown sa US concert) at Vice Ganda (na umaming kahit sikat at maraming pera ay parang may kulang pa rin), tinanong namin si Ibyang kung nakaramdam din siya ng ganito?
“Hindi naman nawawala ‘yang ganyang pakiramdam, sa lahat ng artista nakakaramdam ng burnout. Ako kasi kapag sunud-sunod ang taping ko at hindi ko na nakikita ang pamilya ko, nabe-burnout na ako.
“Nagpapasalamat ako sa ABS-CBN dahil binibigyan nila ako parati ng trabaho, may mga offer akong gumawa ng pelikula, salamat sa mga taong nagtitiwala sa akin sa at kahit may edad na ako ay lead roles ang naibibigay sa akin kaya sobrang laking pasalamat ko iyon sa Panginoong Diyos.
“Pero kung ang kapalit ay hindi ko na halos makasama ang pamilya ko dahil parati akong wala, doon ako nalulungkot, nakakaramdam ako ng emptiness, kasi pamilya ko hindi ko na maasikaso, kaya kapag nakakaramdam na ako ng ganyan, nagpapaalam ako na puwedeng magbakasyon maski two days or three days hanggang one week.
“Kaya kapag wala akong trabaho o tapos na ang teleserye ko, talagang umaalis kami ng bansa ng pamilya ko, nagbabakasyon kami, bonding kami nang husto at talagang bumabawi ako,” paliwanag ni Ibyang.
Kaya laking pasalamat din ng aktres na sobrang suportado siya ng asawang si Art Atayde sa lahat ng mga ginagawa niya sa mundo ng showbiz at siyempre lahat ng anak niya ay proud sa kanya.
At ngayong Mother’s Day (Mayo 13) ay wala sa bansa ang pamilya Atayde hanggang sa kaarawan nito sa Mayo 19 dahil bonding time nga nila ito.
At pagbalik naman ay may trabaho ulit ang aktres para sa meet and greet ng Beautederm Hongkong at pagbubukas naman ng sariling sangay niya sa Butuan City sa Hunyo 10.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.