Laro Ngayon
(Sta. Rosa, Laguna)
8 p.m. Alab Pilipinas vs Mono Vampire
DUMAAN sa apat na maigpitang labanan ang dalawang koponan na ito. Pero sa kanilang huling pagkikita ngayon ay isa lamang ang tatanghaling kampeon ng 2018 ASEAN Basketball League.
Umpisa alas-8 ng gabi ay magtutuos ang San Miguel-Alab Pilipinas at Mono Vampire ng Thailand sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna para sa Game Five ng kanilang best-of-5 finals series.
Unang nakahirit ng panalo ang Alab Pilipinas sa overtime, 143-130, sa Sta. Rosa pero nanaig ang bisitang koponan sa Game Two, 103-100.
Sa paglipat ng serye sa Thailand ay nakakuha ng 2-1 lead ang Alab Pilipinas matapos itong manaig, 99-93.
Sinagot naman ito ng 88-83 panalo ng Mono Vampire para makahirit ng winner-take-all Game Five ngayon.
Bagaman nanghihinayang si Alab Pilipinas coach Jimmy Alapag sa kabiguang natamo sa Game Four noong Lunes kung saan nagtamo ng season-high 26 turnovers ang kanyang koponan ay naniniwala pa rin itong mapupunta sa Pilipinas ang kampeonato lalo pa’t maglalaro sila sa harap ng mga Pilipino.
“This is a very good team that we are playing against. They are well-coached. You can’t give them many opportunities,” sabi ni Alapag.
Gayunman, kailangan pa ring maglaro ng mahusay ng Alab Pilipinas lalo na sina Ray Parks, Josh Urbiztondo at ang mga import nitong sina Renaldo Balkman at Justin Brownlee. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.