MULA Enero ay umabot na sa P8.05 ang itinaas sa presyo ng kada litro ng diesel, na siyang karaniwang ginagamit ng mga pampublikong sasakyan.
Ang gasolina ay P7.27 kada litro ang itinaas samantalang ang kerosene ay P8.86 kada litro na.
Tapos may dagdag presyo pa simula kahapon ang liquefied petroleum gas na mahigit P1 kada kilo.
Kasama na sa itinaas na ito ang dagdag na buwis na ipinataw ng Kongreso sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion. At mayroon pang dalawang nalalabing installment ang TRAIN sa produktong petrolyo na ipatutupad sa Enero 2019 at 2020.
Kung ang mga manggagawa ay humihingi ng dagdag na suweldo para madagdagan ang kanilang panggastos, ang mga driver ng pampasaherong jeepney ay humihirit din ng dagdag na pasahe para lumaki ang iniuuwi nila sa kanilang pamilya.
Tanong ng mga driver, kailan daw ba ibibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang inaasam-asam nilang dagdag singil?
Na siya namang tinututulan ng mg mananakay. Sino ba naman ang may gusto na madagdagan ang gastos e hindi naman tumataas ang kanilang natatanggap na suweldo?
Hirap na ngang pagkasyahin ang pera, madadagdagan pa ang dapat bayaran.
Kahit alam ng mga pasahero na kailangan ng mga driver na magtaas ng pasahe dahil sa mahal ng diesel, ang una nilang iniisip ay kung paano naman sila.
Hirit tuloy ng isang jeepney driver dapat ay automatic na ang pagtaas at pagbaba ng pamasahe.
Kung bababa ang presyo ng diesel ay bababa rin kaagad ang pamasahe at mararamdaman ng mananakay, kung tataas ay tataas din kaagad at makikinabang kaagad ang driver.
Hindi na kailangang pag-usapan pa at idaan sa mahabang proseso.
***
Mukhang lumalakas ang Hugpong sa Pagbabago ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.
Marami ang sumasali at maging ang mga dating miyembro ng PDP-Laban, ang partido na nagdala kay Pangulong Duterte sa Malacanang ay lumilipat na rin.
Sa ngayon ang HNP ay isa lamang regional party. Marami ang nag-aabang kung bigla itong maghain ng petisyon sa Commission on Elections para maging isang national party.
Malayo-layo pa ang national elections ng 2019 at marami pa ang pwedeng mangyari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.